May Sapat ba Akong kakayahan ?

Natagpuan ko ang Panginoon Diyos at naniwala na kay Hesus ang aking kaligtasan. Nais kong mabuhay sa paglilingkod at sa Kanyang kaluwalhatian. Nguni't nasa akin ba ang kakayahan na maging alagad at kawal ni Kristo? Nakikita ko ang aking kawalan ng karunungan at kahinaan, ang mga hadlang sa aking harapan at ang mga nakahihiyang nakaraan at ako'y nagaalinlangan kung ito ay aking magagawa. Sa ilang bahagi ng ating buhay, ay maaaring naitanong sa ating sarili at nagalinlangan sa ating kakayahan kung tayo ay magiging tapat at matapang. Kung susuriin ko ang aking sarili at ang aking paglilingkod, hindi ko madalas makita ang isang magiting na kawal.

Tunghayan natin ang dalawang lalaki sa Banal na Aklat, si Moses at si Pedro. Tatawagin natin sila na mga tunay na alagad ng pananampalataya at magigiting na pinuno. Nguni't hindi sila doon nagsimula. Ano ang nagdala ng pagkakaiba?

Si Moses ay namuhay bilang anak ng Paraon. Nguni't alam niya na siya ay kabilang sa lahi ng mga Israelita, at pinili niya na talikuran ang karangyaan ng Ehipto sa halip na mapabilang sa kanila. (Hebrew 11 : 23-28) Alam ni Moses at ng mga Israelita ang pangako ng Diyos sa angkan ni Abraham na siya ay pagkakalooban ng sariling lupain at gagawin silang isang malaking bansa. Maaaring malayo sa isipan ang ganitong pangako, sapagkat ang mga Israelita ay nanatiling Alipin at si Moses ay tumakas sa lupain ng Paraon.

Si Moses ay kinausap ng Diyos mula sa nagniningas na punongkahoy nguni't ito ay hindi natutupok. Inilahad ng Panginoon na Siya ang Diyos ni Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi Niya na kanyang narinig ang hinaing ng mga tao at pinili Niya si Moses na siyang mag aalis sa pagiging alipin ng mga tao. Walang ipinakita si Moses na pagsang ayon o katapangan, sa halip ay nagbigay pa ng mga dahilan at sinabi sa Diyos na humanap na lang ng iba. Nguni't ang Diyos ay nagpakita kay Moses ng mga kababalaghan ng Kaniyang kapangyarihan. Binigyan ng Diyos si Moses ng mga alituntunin at siya ay tutulungan ng kanyang kapatid na si Aaron. (Exodus 3: 1-4)

Ang mga unang araw sa Ehipto ay nagbigay lamang ng ibayong hirap sa mga Israelita. At si Moses ay nag alinlangan sa kanyang sariling kakayahan at tinanong ang Diyos. Nguni't araw araw ay sinusunod ni Moses ang mga tagubilin ng Diyos at nakita niya ang kapangyarihan ng salita ng Diyos. Sa kabila ng mga salot na pinadala ng Diyos, ang puso ng Paraon ay nanatiling matigas, Nguni't si Moses ay higit na naging masigasig. Si Moses ang nanguna sa mga Israelita paalis sa lupain ng Ehipto, at sa gitna ng matinding pagkatakot, ang malawak na dapat sa kanilang harapan at ang mga kawal ng Ehipto sa kanilang likuran, ay sinabi ni Moses, "Huwag kayong matakot, tumigil kayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon. Sapagkat ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo makikita magpakailanman. Ipaglalaban kayo ng Panginoon at kayo ay tatahimik". ( Exodus 14: 13-14)

Sa mga sumunod na mga araw at taon, si Moses ang nanguna, gumabay, humatol at namagitan para sa kanila. Ang magiting na si Moses na tumayo sa bundok, at nagpahayag sa mga Israelita bago sila pumasok sa lupang pangako ay hindi na ang tao na walang tiwala sa sarili at nagbigay ng mga dahilan noong siya ay nasa lupain ng Midian.

Ating tunghayan si Pedro, isa sa 12 alagad na siyang unang nagpahayag ng kaharian ni Kristo. Ang kaibahan ni Pedro kay Moses, si Pedro ay hindi nag alinlangan na sumunod kay Hesus Hindi natin alam kung gaano karami ang narinig ni Pedro sa tinuran ni Hesus, Kung gaano karaming himala ang kanyang nasaksihan, nguni't nang siya ay lapitan ni Hesus at sinabi na "Sumunod ka sa akin", ito ang ginawa ni Pedro at iniwan niya ang lahat. (Matt. 4: 18-19)

Si Pedro ay puno ng kagalakan, may matibay na pananampalataya at taos pusong pagtitiwala. Nang tanungin ni Hesus ang mga alagad kung sila ay lilisan din tulad ng iba ,sumagot si Pedro " Panginoon, saan kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan." ( John 6: 68). Nang tanungin ni Hesus "Ano ang sabi ninyo kung sino Ako?" Sumagot si Pedro,"lkaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay." ( Matt. 16: 16 )

Nguni't si Pedro ay hindi pa handa sa gawain na kinakaharap niya. Katulad ng mga tao sa mundo, si Pedro ay hindi naturuan ng wasto kung ano ang tunay na pangako ng Diyos tungo sa pagbabago ng Israel at kung uri ang pagkahari ni Hesus. Ang Panginoong Hesus ay nakipagisa kay Pedro. Si Pedro ay tinuruan, sinalungat sa kamalian at naging maunawain si Hesus sa mga kakulangan ni Pedro tungkol sa pananampalataya. At si Pedro ay nag patuloy sa paglilingkod at sa pakikinig ng balita ng pag asa at kaligtasan.

Sa kanyang pananalig, si Pedro ay nakiusap na lumakad papunta kay Hesus sa maalong dagat. Nguni't siya ay natakot at nagsimulang lumubog. ( Matt. 14:28-31 ) Pinahayag din ni Pedro na si Hesus ay hindi mamamatay, bulag sa totoong pakay ng Kristo.( Matt.16: 21-23 ) Sinabi ni Pedro na huwag hugasan ni Hesus ang kanyang paa, hindi niya nauunawaan ang halimbawa ni Hesus sa paglilingkod. ( John 13: 8 ) Sumumpa siya na mamamatay kasama si Hesus, nguni't hindi niya binigyan ng kalinga habang nananalangin sa halamanan. (Matt.26:33-35,40) Kanyang tinagpas ang tainga ng isang alipin na kasama ng mga dumakip kay Hesus. Nang makita niya na si Hesus ay hindi lumaban, si Pedro ay natakot, tumakbo at ipinagkanulo ng tatlong ulit na si Hesus ay kilala niya. (John 18: 10;15-27) . Makalipas ang ilang araw, si Pedro ay nagtungo sa libingan at wala na roon si Hesus, at nasaksihan ang kaganapan ng pangako na si Hesus ay muting mabubuhay sa ikatlong araw. ( John 20: 1-10 ).

Makalipas ang mga araw, ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay sumanib sa mga alagad. At si Pedro ay buong tapang na ipinahayag na si Hesus ay ginawa ng Diyos na "Panginoon at Kristo na inyong ipinako sa krus".( Acts 2:36 ) Ipinahayag ni Pedro ang mabuting balita sa kanyang kapwa Hudyo, sa mga may matitigas na puso, sa mga masasamang pinuno, at sa isang mabait na kawal Romano at kanyang kasambahay. Ang dating Pedro na tumakas dahil sa takot ay handa na ngayon harapan ang lahat ng pag uusig ng may kagalakan. ( Acts 5: 41)

Ano ang dahilan ng kanilang pagbabago? Ang Panginoon ang gumawa into. Nagpatuloy sila araw araw sa pakikipag isa sa Diyos. Pinakinggan ang Kanyang salita, tinupad ang mga utos. nakita ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay, at nagtiwala sa Kanyang kapangyarihan at mga hangarin. Ito ang ating pag asa, ang lumalagong pakikipag isa sa Diyos, nakikinig, sumusunod at nagtitiwala. Ang ating mga kahinaan at pansariling kapakanan ay nagbibigay daan sa Kanyang kapangyarihan at mga balak.

Ngayon ay alam ko na ang tugon sa aking tanong "May sapat ba akong kakayahan?" ay hindi, wala sa akin. Nguni't masasabi ko ng buong tapang, "Ako'y napako na kasama ni Kristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin; at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Diyos, na sa akin ay nagmahal, at ibinigay ang Kanyang sarili dahil sa akin".( Galatians 2: 20 )

Previous
Previous

Ang Pagpapatala sa Hukbo ng mga Disipulo