“Isipin Ninyo Ang Mga Nangyayari Sa Inyo”
Sa pag-aaral ng aklat ni Hageo, tayo ay pumupunta sa panahon ng Biblia ngayon mula sa nakalipas na pagsakop sa Judah at ang mga natirang Israelita ay nakabalik na sa Jerusalem. Si Hageo ay kapanahon nina Zacarias at Ezra. Ang mga mamamayang Israelita ay bumalik matapos ang utos ni Cyrus noong 538 BC, at bagaman sa una ay naging masigasig at sabik na itayong muli ang templo, sa maikling panahon, sila ay nanghina ang loob at naguluhan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Nakalipas ang 18 taon, at si Hageo ay nagsimulang magpahayag noong 520 BC.
Ang unang kabanata ay tiyak na tinutukoy ang katotohanan na ang templo ay hindi pa naitatayo nang ganap. Ang katanungan ng Dios sa pamamagitan ni Hageo ay, “Matitiis n’yo bang tumira sa magagandang bahay habang wasak ang templo?” (Hageo 1:4). Sinabi pa ng Dios -
“Isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo” ( Hageo 1:5 ). Ang mga taong ito ay maliwanag na gumagawa na itayong muli ang kanilang sariling buhay at komunidad, nguni’t kinaliligtaan nila ang puso ng komunidad- ang templo. Ang totoo, ipinaalala ng Dios na marami silang inihasik, nguni’t kaunti lamang ang ani. Sinisikap ng Dios na kunin ang kanilang pansin,nguni’t hindi nila pinapansin ang isang magbibigay sa kanila ng tunay na kapayapaan at kapanatagan. Ang mensahe ay pinakinggan at ang mga tao ay gumawa - muling nagsimula ang pagtatayo ng templo.
Sa kabuuan ng ika- 2 kabanata, nakita natin sa aklat ni Ezra nang itayo ang pundasyon ng templo, ang mga matatanda sa komunidad na nakita ang unang templo ay tumangis (Ezra 3:12). Bakit sila tumatangis? Ang itinatayong templo ay anino lamang ng unang templo. Ang templo ni Solomon ay napakalaki at kahanga-hanga - ang isang ito ay payak . Marahil ang kabiguan at ang pagsalungat ng mga kaaway ay nagdala upang hindi tapusin ang gawain. Bagaman, nang simulan muli ang pagtatayo ng templo, sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Hageo na kahit na ang templo ay hindi katulad ng una, İto ay pupunuin Niya ng kaluwalhatian at ang kaluwalhatiang ito ay higit kaysa una. Ako ay hindi naniniwala na ito ay tumutukoy sa pisikal (tulad ng templo ni Herod), kundi kay Jesus - ang templo na wawasakin at itatayo sa ikatlong araw.
Ang ika-3 mensahe kay Hageo ay may kinalaman sa pagsasalin ng karumihan at sa walang kakayahan na isalin ang malinis. Ang mga tao sa batas ng Levitico ay mabilis na maisasalin ang karumihan pagkatapos na hawakan ang isang patay na katawan o sa may karamdaman, nguni’t hindi maaaring isalin ang kalinisan. Niliwanag ng Dios na ang kanilang masasamang gawi o kilos ay maisasalin sa pagtatayo ng bagong templo kung hindi sila maingat.
Ang aklat any nagwawakas sa pangako ng Mesiyas sa pamamagitan ni Zerubabel. Si Zerubabel ay galing sa lahi ni David at ang Dios ay muling ibabalik ang kaharian ni David - hindi sa paraan na iniisip ng tao. Ang totoo, si Zerubabel ay matatagpuan sa salin-lahi ng mga ninuno ni Jesus at isang magandang larawan ng pagtubos ng Dios na magtatayong muli ng templo.
Ano ang natutunan natin kay Hageo? Ang buong katotohanan, ako ay malimit na naging abala sa pang-araw-araw na buhay habang ang aking espirituwal na buhay ay wala sa ayos. Kailangan kong isipin ang aking mga kilos - bigyan ng pansin ang dapat unahin. Ang aking biyanan na babae ay nag bahagi ng isang magandang kuwento tungkol sa kanyang ama na ipinakita ang ganitong pag-iisip. Ang kanyang ama ay sinunod ang mensahe ng Ebanghelyo at ang isa na dapat isaalang-alang ay kung paano gugugulin ang panahon ng paglilibang. Siya ay nagpasya, na bilang Kristiyano, tayo ay magbibigay ng panahon sa bawat isa (Roma 12:10), pipiliin niya na makasama ang kapwa Kristiyano kung ito ay napapanahon. Isinaalang-alang niya ang kanyang kilos at nagpasya na ito ang paraan ng “pagkukumpuni ng nasira”. Sa pagsasalita ng may diin - kung ikaw ay gumugol ng oras at salapi upang itayo ang iyong bahay nguni’t hindi ka naman nagkakaloob sa gawain para sa Panginoon sa makahulugang paraan, ay kailangan mong isipin ang iyong kilos.
Ang ikalawang bagay na ating natutunan ay hindi natin magagamit ang sukatan ng tao upang maunawaan ang halaga. Si Samuel ay nahulog sa tukso nang naghahanap ng magiging hari sa mga anak ni Jesse. Ang totoo, ang Dios ay patuloy na binabaligtad ang pamantayan ng tao kung iniisip ang halaga - ang pinakabata ay mamamahala, ang mahina ay malakas, at ang mapagpakumbaba ay mamanahin ang daigdig. Kailangan nating tumingin sa Dios upang ibigay ang kaluwalhatian.
Kailangan din nating gawin ang pinakamabuti upang pigilin na lumaganap ang karumihan at sa halip ay tumingin kay Jesus upang isalin ang Kanyang kalinisan sa atin. Siya lamang ang tanging pari na may kakayahan na gawing malinis ang marumi. Tayo ay pinagpala na mabuhay sa ilalim ng pamumuno ng tagapagmana ni Zerubabel. Siya lamang ang makatutulong sa atin na kumpunihin ang sıra ng ating espirituwal na buhay at ihandog ang ating buhay na isang malinis na alay sa Dios.