Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?

Emily McConnaughy, Tampa, FL

“ Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?” (Awit 56:4). Samantalang ito ay nakasulat bilang isang tanong, ang pangungusap ay kumakatawan sa pananalig na may pagbabago. Ito ay kumikilala sa hangganan at kahinaan ng tao kung ihahambing sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Sa harapan ng Makapangyarihan at Walang Hanggang Diyos, tayo ay tunay na sakop ng mga kahinaan, mga kapintasan, at kamatayan tulad ng ibang mga tao. Sa panahon ng kaguluhan, ang tanong ay nagsisilbing paalala na ang ating kanlungan ay hindi nakasalalay sa tao, kundi sa lakas at kataas-taasang kapangyarihan ng ating Maylikha.

Pinaniniwalaan na ang Awit 56 ay isinulat ni Haring David sa kanyang karanasan sa mga Filisteo sa Gath (na maaaring makita sa 1 Samuel 21:11), marahil sa panahon na siya ay tumatakas mula kay Saul. Ang mag pangungusap ni David ay damdamin ng isang tao na natatakot, nasa panganib ng kamatayan, nguni’t pinili pa rin na magtiwala sa Diyos.

“ Kapag ako’y natatakot, magtitiwala ako sa Inyo. O Diyos, pinupuri ko Kayo dahil sa Inyong pangako. Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa Inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?” Wala ! (Awit 56:3-4).

Dito ay makikita natin ang isang tao na tumatakas para sa kanyang buhay, nananangis dahil sa kanyang mga kaaway na “kinukutya” at “sina- salakay” sa lahat ng dako (v.2). Ang kanyang pakikipag-usap sa Ama ay isang panalangin ng paghingi ng tulong, isang paki-usap, at paglalabas ng damdamin. Kinilala ni David na ang Diyos ay alam ang kanyang mga kalungkutan at ang kanyang mga luha ay nakalista sa aklat ng Diyos (v.8). Ito ay naglalarawan ng isang nagaping lalaki, na nasa hangganan ng kanyang pang-unawa. Gayunman, ang awit na ito ay magkasama sa paglalahad ng takot at kasawian sa hindi nagbabagong pananalig ni David sa kakayahan ng Diyos na nagligtas sa kanya sa kamay ng kanyang mga kaaway. Ang totoo,inulit ni David ang katanungang ito- “ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?” (V. 11)- binibigyan ng diin ang kanyang matatag na paniniwala sa Kataas-taasang Diyos na gagapiin ang kanyang mga kaaway.

Ngayon, ano ang ibig sabihin nito sa atin? Kung tayo ay may tunay na pananalig sa Diyos, pinatotohanan natin na ang Kanyang presensya at tulong ay higit sa mga pananakot at pagsalungat ng tao. Kahit na ang ating buhay ay hindi naranasan ang panganib na tulad ni David, sa daigdig na ito, hindi maitatatwa na ang mga tao ay makapagbibigay sa atin ng pangkatawan at pangdamdamin na mga pinsala. Ang ating katawan ay maaaring masugatan at mabugbog, ang ating ari-arian ay manakaw, o tayo ay patayin. Ang ating damdamin ay makararanas ng hindi pantay na katarungan, tayo ay tinanggihan, inabuso, o nilait dahil tayo ay naninindigan sa isang bagay na tama. Sa harap ng katotohanang ito, ang pagiging walang takot ay madaling sabihin kaysa gawin. Ngayon, paano natin makakamtan ito?

Sa pagninilay sa Mateo 16: 19-21, ito ay nagkakaloob sa atin ng pananaw sa paghahambing sa kayamanan sa mundo sa hindi mapantayang kaluwalhatian at napakalawak na makakamit sa kaharian ng Diyos. Sa pagpapawalang halaga sa mga bagay sa daigdig, tayo ay makapagtutuon sa higit na mahalagang bagay. Maaaring mawala ang kayamanan, tirahan, o mahalagang pag-aari, nguni’t tayo ay tinawag sa mga bagay na nasa langit at bigyan ng pangunahing pansin ang kayamanan sa langit sa halip na kayamanan sa daigdig ( Colosas 3:2 ). Kung ang daigdig ay tinatakot tayo - sa kalagayan ng pananalapi, pisikal na kalusugan, o karangalan - tayo ay nangunguna sa pagsalakay sa ating kaaway sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga bagay na mahalaga sa Diyos. Sa pagbibigay ng pansin sa espirituwal na kayamanan at alalahanin na ang magagawa ng tao ay hindi mahalaga kung ihahambing sa magagawa ng ating Makapangyarihang Diyos ( Mateo 10:28 ), na ating magagapi ang pananakot ng ibang tao. Kung ating pawawalang halaga ang kayamanan sa mundo, ang pansariling kaligtasan, o ang lagay sa lipunan, ay tiyak na itatanong natin, ano ang magagawa ng isang hamak na tao sa atin? At ang tugon ay maliwanag - wala.

Samantalang ang ating mga puso ay nananaig ang pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa ating buhay at ang gagawin ng tao sa atin, tayo ay may makapangyarihang Diyos na gagapi sa ating mga kaaway at tayo ay Kanyang ililigtas. Kung anumang takot ang namamayani sa atin, kung ito man ay takot na may mawala, tinanggihan o pinsala sa katawan, ang Salita ng Diyos ay patuloy na nagbibigay ng katiyakan na huwag tayong matakot (Deuteronomio 31:6; Isaiah 41:10; Lucas 14:27). Siya ang ating kanlungan at katibayan (Awit 91:2), ang ating Tagapagtanggol (Awit 27:1), ang ating ilaw at kaligtasan (Awit 27:1), at ang tumutulong sa atin ( Hebreo13:6 ).

Tunay ba nating niyayakap ang katotohanan tulad ni David? Ang Awit 56 ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ay tinatanggap at binibigyan tayo ng lakas ng loob na ibigay sa Kanya ang lahat ng ating alalahanin

( Filipos 4:6 ) at mga kahilingan ( 1 Juan 5:14-15; Marcos 11:24 ) sa pamamagitan ng panalangin. Kung ating isusuko ang lahat ng takot sa Diyos, kilalanin ang Kanyang Kataas-taasang Kapangyarihan, at bigyan ng unang pansin ang espirituwal na halaga sa halip na pisikal na mga bagay, ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang hamak na tao laban sa atin. Makikilala natin, tulad ni David, na ang ating tunay na katiyakan at pagkatao ay hindi nakasalalay sa kamay ng mga maling tao kundi sa hindi nagbabagong pagmamahal at kapangyarihan ng Diyos.

Idinadalangin ko na ang katanungan ni David ay magbigay ng alingawngaw sa iyo ngayon, magbigay ng pagtitiwala sa Diyos Ama at walang takot na harapin ang bawat pagsubok na maaaring makaharap mo. Tulad nang buong tapang na sinabi ni Pablo sa Roma 8:31,

“Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin ?”


Previous
Previous

“Humingi Ka ng Kahit Ano at Ibibigay Ko Ito sa Iyo”

Next
Next

“Hanggang Kailan Ka Magdadalamhati?”