“Hanggang Kailan Ka Magdadalamhati?”

Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul? Inayawan Ko na siya bilang hari ng Israel” (1 Samuel 16:1).

Ang mahabang paglilingkod ni Samuel sa Panginoon ay hindi naitala nang isa-isa o detalyado, nguni’t maraming katangian si Samuel na hindi maipagkakaila. Naunawaan ni Samuel ang layunin ng kanyang buhay, lubos na tapat sa paglilingkod sa Panginoon at hindi pinahintulutan na ang pagpapahalaga sa sarili ay maging hadlang sa kanyang pagsunod sa Panginoon.

Si Samuel ay anak ng isang tapat na babae na may pagnanais na magkaroon ng anak. Ang kanyang inang si Hannah ay nangako na kanyang tutuparin ang kanyang ipinangako sa Panginoon (1 Samuel 1:11, 20, 26-28) na ipagkakaloob ang anak sa paglilingkod sa Panginoon. Si Samuel ay lumaki sa pangangalaga ni Eli, ang pari, at si Hannah ay nagalak dito, at taon-taon ay dumadalaw upang maghandog sa Panginoon at gumagawa ng balabal upang isuot ni Samuel sa paglilingkod. Ipinakita ni Samuel ang katuparan ng layunin ng kanyang pagkasilang. Sa una at ikalawang kabanata ng aklat, ay sinasabi ang paglilingkod ni Samuel simula pagkabata; at sa ikatlong kabanata, ay tinanggap ni Samuel ang unang pahayag at sinabi kay Eli na aalisin ang pagkapari sa kanyang lahi. Si Samuel ay natakot na sabihin kay Eli ang mga salita ng Panginoon, nguni’t ipinagtapat din niya ang lahat, at simula ng araw na iyon, ang Panginoon ay patuloy na pinatnubayan si Samuel, at niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng kanyang ipinahayag.

Si Samuel ay nakasama sa kasaysayan ng mga Israelita makalipas ang mga hukom, nang ang mga tao ay ginagawa ang inaakala nilang tama sa kanilang sarili. Sila ay napalilibutan ng mga diyos-diyosan at tinatakot ng mga bansa tulad ng Filisteo. Kahit na ang mga paring anak ni Eli ay masasama, at sila ay tinalikuran ng Panginoon. Ang kasamaan ay nakita ng mga Israelita, at ito ang nagtulak sa kanila ng paglayo sa Panginoon. Nguni’t tulad ng sinabi sa una at ikalawang kabanata, si Samuel ay nanatiling tapat at nakuha ang kalooban ng mga tao dahil sa kanyang walang pagbabago at tumpak na mga pahayag. Si Samuel ang pinaka- huling hukom na naglingkod sa Israel, pinatnubayan ang mga tao sa tunay na pagsamba sa Panginoon sa ika pitong kabanata. Ang mga tao ay nagtiwala kay Samuel na itayong muli ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon at iligtas sila sa kamay ng mga Filisteo. Si Samuel ay pinangunahan sila ng maraming taon, at sa kanyang pagtanda, ay itinalaga ang kanyang mga anak na maging hukom ng mga tao tulad ng ginawa niya (1 Samuel 8:1). Subalit, tulad ng mga anak ni Eli, ang mga anak ni Samuel ay gahaman at hindi binigyan ng kaluwalhatian ang Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Muli, ang mga Israelita ay nakita ito at tinalikuran ang mga anak ni Samuel, si Samuel at patı na ang Panginoon sa pamamagitan ng paghingi ng haring mangunguna sa kanila tulad ng ibang mga bansa. Tulad ng ating iniisip, ito ay tinanggap ni Samuel bilang pagtanggi sa kanya at siya ay humingi ng tulong sa Panginoon. Alam ng Diyos ang paghihirap ng kalooban ni Samuel at pinaalalahanan na ang mga tao ay tumalikod sa Diyos at hindi sa kanya. Si Saul ay itinalaga ng Diyos na maging unang hari sa Israel at ipinadala si Samuel upang buhusan ng langis ang ulo ni Saul.

Agad-agad, ang pagtalikod sa pananalig sa Panginoon ay nakita nang si Saul ay pinangunahan ang mga tao na nagtagumpay laban sa mga Ammonita sa ika -11 kabanata. Sa ika-12 kabanata, ang mataas na katangian ni Samuel ay muling binigyan ng pansin nang tinanong ni Samuel ang mga tao kung siya ba ay may dinaya, o ginipit o tumanggap ng suhol o sinaktan ang sinuman sa kanila. Walang sinuman ang nagsalita laban sa kanya, upang mapatunayan ang kanyang pagkatao. Ipinaalala niya sa mga tao ang mga ginawang kabutihan ng Panginoon sa kanila, ang kaligtasan na ipinagkaloob sa kanila, at naki-usap na huwag pahintulutan ang hari na maging daan upang mawalan sila ng tiwala sa Panginoon. Nagbabala si Samuel na kapag sila ay tumalikod sa Diyos, ang Diyos ay tatalikuran din sila, tulad din ng ginawa Niya sa kanilang mga ninuno.

Tulad ng babala ni Samuel, si Saul ay agad na pinangunahan ang mga tao na lumayo sa Diyos. Sa ika-13 at ika-15 kabanata, si Saul ay nagtiwala sa kanyang sarili, inakala na ginagawa ang tama tulad ng kanyang mga ninuno. Una, hindi niya hinintay si Samuel sa paghahandog sa Panginoon, at sinabi ng Diyos kay Saul na ang kanyang kaharian ay hindi magtatagal, at aalisin ang pagkahari sa kanyang lahi. Pagkatapos, nang siya ay inutusan na lipulin ang lahat ng mga Amalekita (15:3), siya ay sumunod nguni’t hindi niya nilipol ang lahat tulad ng ipinag-utos sa kanya. Sinabi sa kabanata15:9, “Pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lamang. Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng mainam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapakikinabangan ay nilipol nila nang lubusan.” Ang mga tao sa Israel ay kusang loob na pinayagan ang lahat ng nais ng hari at sila’y sumunod sa kanyang mga yapak.

Si Samuel ay muling napag-utusan na sabihin ang hindi pagsunod sa ipinag-utos at ang kaparusahan na kanilang tatanggapin. Si Samuel ay nabagabag nang sinabi ng Panginoon na si Saul ay tinanggihan Niya at ang pagiging hari ay aalisin sa kanya. Sa Kabila ng maraming taon ng kakayahan at tapat na patnubay kay Saul, ay hindi natanggap ni Saul at siya’y humingi ng kapatawaran, na hindi maibibigay ni Samuel. At ito ang panahon na tinanong ng Panginoon si Samuel kung hanggang kailan siya magdadalamhati para kay Saul. Samantalang walang ibinigay na paliwanag kung gaano katagal na nagdalamhati si Samuel, maaari nating isipin na ito ay mas mahaba kaysa sa pagtalikod ng Diyos kay Saul. Maaari nating isipin na ang ugnayan nina Samuel at Saul ang dahilan ng kanyang pagdadalamhati, nguni’t ito ay tila higit na kalungkutan kaysa pagkawala. Si Samuel ay isang pinakamahusay na halimbawa ng buhay na tapat sa pananalig. Mula sa panahon ng kanyang kabataan hanggang sa kanyang kamatayan, siya ay naglingkod sa Panginoon, bilang hukom, pari at propeta. Ang kanyang buhay ay maaaring may kabigatan sa espirituwal na pamumuno sa mga tao. Nakita niya ang mga anak ni Eli na nilamon ng kataasan at kasakiman at tinalikuran ng mga tao. Nakita niya ang kanyang sariling mga anak na natukso ng sariling karangalan at tinalikuran ng mga tao. Nakita niya ang Panginoon na tinalikuran ng mga tao kahit na ipinakita ng Diyos ang Kanyang puspos na awa at pagmamahal. At nakita niya si Saul na tinalikuran ng Diyos dahil sa kanyang kataasan at kawalan ng pananalig. Ginawa ni Samuel ang lahat ng kanyang magagawa, gayunman ang pagkagapi ay tila hindi maiiwasan, kaya siya ay nagdalamhati. Siya ay puno ng pangamba sa mga susunod pang magaganap. Gayunman, nang siya ay lapitan ng Panginoon at sabihin na huwag siyang magdalamhati, na mayroon pang gawain na dapat gampanan. Si Samuel ay sumunod at naghanap ng susunod na hari sa Israel, Bagaman may panganib sa kanya, siya ay sumunod sa Panginoon.

At tulad ng dati, ang Diyos ay alam lahat ang layunin ng pagkagapi at pagtalikod na magbibigay ng daan para sa Tagapagligtas, nguni’t nalalaman lamang ni Samuel ang ipinakita sa kanya. Gaano tayo kadalas na naghirap tulad ni Samuel, na sana ay nauunawaan natin kung ang ating buhay ay hindi sa inaasahan natin na mangyari? Madali nating himukin ang ating sarili na ang mga bagay na ating binabalak at ipinapanalangin ay ayon sa Kanyang kalooban, nguni’t tayo ay nalulungkot na hindi pala ito ang balak ng Diyos para sa atin. Tayo ay nakatingin sa ating kapaligiran at namamangha sa mga kasamaan na umiiral, nguni’t tulad ni Samuel, hindi natin nauunawaan ang layunin ng mga bagay sa kalooban ng Panginoon. Ang kuwento ng buhay ni Samuel ay nagbibigay ng pagkakaiba ng pamamahala na hinahanap ng daigdig - magandang lalaki, mataas, malakas na pinuno na ginagawa ang sa akala nila ay wasto - at ang mga pinuno na itinalaga ng Diyos na mapagpakumbaba, hindi mapagmataas, at ang pinaka mahalaga, ang pagiging masunurin. Si Samuel ay isang isang kahalintulad ni Cristo, at higit sa lahat, ay inihanda niya ang daan para kay David at sa hanay ng mga pinuno ng Israel na magdadala sa atin sa pagdating ng Mesiyas, ang daan ng kaligtasan. Ang pagdadalamhati ni Samuel ay isang mabuting patunay ng isang tapat na lingkod. Siya ay nag- aalala para sa kabutihan ng mga tao ng Diyos, siya ay natatakot kung hanggang saan ang kanilang pananalig, at hindi niya lubos na maisip ang sunod-sunod na pagkagapi ng mga Israelita. Tayo ay malimit na nagdadalamhati sa ating mga kabiguan o pagkawala, nguni’t kailangan nating tumugon tulad ni Samuel, puno ng tiwala sa Panginoon, at may paninindigan na maglingkod sa Kanya sa lahat ng ating gagawin.

Sa 1 Samuel 8:7 at 1 Samuel 16:1, si Samuel ay nakatanggap ng paalala na ang Diyos ang may pagpipigil, at ang hinahanap Niya kay Samuel ay ang pagsunod, hindi ang kawalan ng kapintasan.

Si Samuel ay isang maliwanag na ilaw sa madilim na panahon, at marami tayong matututunan mula sa kanyang likas na pagiging masunurin sa Panginoon.


Previous
Previous

Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?

Next
Next

Ang Taong Nais Kong Makilala - Si Maria, Ang Ina