“Humingi Ka ng Kahit Ano at Ibibigay Ko Ito sa Iyo”

By : Sarah Betts, Tucson, AZ

“Humingi Ka ng Kahit Ano at Ibibigay Ko Ito sa Iyo” 1 Hari 3:5

Mayroong panahon sa aking buhay na ang tanging nais ko ay magkaroon ng anak. Ako ay puno ng madamdaming sakit ng puso sa hindi pagkakaroon ng anak. Ginugol ko ang panahon sa pagbabasa ng mga aklat, at sa mga “websites”, nakipagkita sa mga manggagamot,binago ang nakagawiang pamumuhay, pinilit nang paulit-ulit na maghanap ng kalutasan sa aking suliranin. Ginugol ko ang panahon sa pananalangin ng magkatulad na panalangin, “Nakikiusap po ako Ama, bigyan Mo po kami ng anak.” Nguni’t lumipas ang mga taon at walang anak na dumating, sana’y masasabi ko na ang aking tugon sa aking suliranin ay maging tulad ni Cristo.

Ikaw ba ay dumating din sa panahong iyon? Maaaring hindi katulad ng aking panalangin, nguni’t ikaw ba ay naki-usap din na sagutin ang iyong panalangin na magbibigay ng katuparan sa pananabik ng iyong puso? Maaaring nararamdaman mo rin na ikaw ay nasa pagitan ng pananalig, pagsuko at pananabik. Sa malalim, masakit, at hungkag na panahon, paano tayo tutugon sa Kanya kung sinabi Niya sa atin :

“Humingi ka ng kahit ano at ibibigay Ko ito sa iyo!” (1 Hari 3:5) Ang tugon ba natin ay :

Para sa isang asawa?

Para gumaling ang karamdaman ng isang minamahal?

Para ibalik ang isang pakikipag-ugnayan?

Para sa kaligtasan ng isang minamahal?

Para gumaling ang aking sakit o karamdaman?

Para sa isang paraan, kung pakiramdam mo ay wala ng iba pa?

Bagaman, hindi natin malimit nauunawaan ang katahimikan ng Diyos, tayo ay magtitiwala na ang Diyos ay tinuturuan tayo ng isang bagay habang tayo ay naghihintay. Ang aral ay magkakaiba sa bawat isa sa atin, nguni’t kung tayo ay tunay na naghahanap ng aral at patuloy na lumalago mula sa pagsubok, Siya ang magpapahayag sa Kanyang panahon. Sa panahon ng aking pagkabaog, ang Diyos ay tinuruan ako tungkol sa Kanyang kabutihan, Kanyang kapangyarihan, at pananalangin. Ang pag- uusap sa pagitan ng Diyos at ni Haring Solomon sa 1 Hari 3: 5-10, ay sinasabi roon ang paraan kung paano ang ating panalangin ay magiging kalugod-lugod sa Diyos.

“At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon,

na hiningi ni Solomon ang bagay na ito” (1 Hari 3:10).

Alam natin mula sa Santiago 4:3, na kung ang kahilingan ni Solomon ay para sa sariling kapakanan, ito ay hindi ipagkakaloob sa kanya. Nguni’t ang totoo, ang kanyang tugon ay nakalugod sa Diyos. At higit sa lahat, ang ating mga minimithi ay mabigyan ng lugod ang Panginoon sa lahat ng bagay. Ngayon, ano ang pinaka nakalulugod na tugon ni Solomon sa tanong ng Diyos?

“Sumagot si Solomon, nagpakita po Kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David na Inyong lingkod, dahil matapat siya sa Inyo at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy N’yo pong ipinakita sa kanya ang Inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. Panginoon, na aking Diyos, ako na Iyong lingkod ang ipinakita Ninyo sa aking amang si David bilang hari kahit binatilyo po ako at wala pang karanasan sa pamamahala. At ngayon narito po ako kasama ang pinili Ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. Kaya bigyan N’yo po ako ng karunungan para pamahalaan ang Inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang kakayahing mamahala sa Inyong mamamayan na napakarami?” (1 Hari 3: 6-9 ).

Nais ni Solomon na Siya at ang kanyang puso ay baguhin ng Diyos. Sa pagbabago ng puso, alam ni Solomon na siya ay makapaglilingkod sa Diyos na may karunungan at kaalaman. Ang ganitong uri ng pamamahala sa Israel ay magbibigay ng layunin at kaluwalhatian sa Diyos. Sa panahon ng aking paghihintay, alam ko na kailangan ko rin ang Diyos upang baguhin ang aking puso. Ito ang ilang mga bagay na natutunan ko sa mga halimbawa ni Solomon.

Ipinakita ni Solomon Ang Kanyang Pasasalamat. Nang ako ay nanalangin para sa isang anak, wala bang kabuluhan sa akin ang mga biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa akin? Tiyak na hindi ! Nguni’t ang aking pansin ay nanatili sa kahungkagan ng aking nararamdaman, hindi sa buo at mayamang mga biyaya, kabutihan, awa at mga pagpapala na Kanyang ipinagkaloob sa akin. Sa gitna ng sakit ng puso at pananabik, maaaring mahirap na magkaloob ng taos-pusong pasasalamat sa Diyos na nagbigay ng labis na pagpapala. Gayunman, ito ay ginawa ni Solomon; nagbalik-tanaw siya sa kanyang buhay at nakita ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa kanya at sa kanyang ama. Siya ay lubos na nagpasalamat sa Diyos sa pagmamahal na ipinagkaloob sa kanya. Sa kabila ng mga pagsubok at mahirap na mga pangyayari, ang Diyos ay patuloy na ipinapakita sa atin ang Kanyang kamangha-mangmang pagmamahal at hindi mapantayang kapangyarihan. Napakarami nating dapat ipagpasalamat sa Diyos.

May Kababaang-Loob, Inamin Niya ang Kanyang Pagkukulang at Pangangailangan sa Diyos.

Si Solomon, ang hari ng lahat ng Israel, ay alam na siya ay may pagkukulang at walang kaangkinan kung wala ang Diyos. Sa ating madilim at mahirap na mga sandali, ang mga pangyayari ay nagbibigay ng damdamin ng pagpapakumbaba. Nguni’t sa kabila ng pagiging mababa, ang ating bang mga puso ay tunay na nagpakumbaba? Tiyak, maaari tayong makakita ng mga kakayahan at mga gamot na makatutulong sa atin, nguni’t tayo ba ay tunay na naniniwala na tanging ang Diyos ang magbibigay ng lunas sa ating panalangin? Sa Kawikaan 16:9, “Ang tao ang nagpaplano, nguni’t nasa Panginoon ang kaganapan nito.” Malimit, tayo ay gumugugol ng maraming oras at kakayahan na “ayusin ang ating suliranin” sa halip na ibaling sa İSA na makagagawa ng kagandahan, paglago at lakas sa suliranin. Ang Kawikaan 15:22 ay nagpapaalala ng malaking biyaya na ipagkakaloob ng Diyos kung Siya ay nagbibigay ng mga mabuting payo sa ating landas. Buong kababaang-loob na humingi ng payo sa mga babae na tapat na tumahak sa magkatulad na landas. Humingi ng payo sa mga kababaihan na umasa sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok at lumago sa pananalig dahil dito. Hindi kailangan na harapin nating mag-isa ang mga kaguluhan. Sa panahon ng pananabik, tingnan natin nang maliwanag ang ating tunay na pangangailangan sa Diyos at tanging Siya lamang. Ang Kanyang Adhikain sa Likod ng Kanyang Kahilingan ay Para sa Kaluwalhatian ng Diyos.

Kung minsan, kung iniisip ko ang tugon sa “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay Ko ito sa iyo?” ay maaaring katulad ng isang bata sa tindahan ng kendi, ang tugon ni Solomon ay salungat. Hindi siya humiling para sa nais ng kanyang puso. Hindi siya humiling ng maraming bagay na magbibigay ng ginhawa sa kanyang buhay. Hindi rin siya humiling para sa mga malalapit sa kanya. Sa katapusan,hiniling niya ang karunungan upang kanyang pamamahalaan ang mga mamamayan ng Diyos na magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Malimit, ang ating mga panalangin ay makasarili. Bagaman ang mga bagay na hinihiling natin ay maganda at mabuti, kung ang kahilingan naman ay para sa maka sariling dahilan, ito ay hindi nakalulugod sa Diyos. Ito ay nangangailangan ng malalim na pagninilay. Kung ang aking kahilingan ay dahil lamang sa pansariling pagnanais, ako ay may malaking interes para sa sarili sa halip na para sa Diyos. Nguni’t kung ilalagay ko ang Diyos sa ibabaw ng lahat ng biyaya ng daigdig, ang mga biyaya ay magagamit sa layunin ng Diyos. Ang mga panalangin ko ba ay upang maging mabuti ang aking buhay, maging sagana, higit na maşaya, magaan, maligaya? Ako ba ay nagtatanong dahil nais ko na makinabang mula sa tugon? Nawa’y ang ating mga panalangin ay magtulak sa pagnanais na ang Diyos ay maluwalhati sa tugon.

Sa aking pagninilay sa pag-uusap ng Diyos at ni Solomon, napatunayan ko na dapat kong baguhin ang paraan ng aking pananalangin. Sa halip na sabihin, “ Parang awa Mo na O Diyos,ipagkaloob Mo po ang nais ng aking puso”, ay hihilingin ko na, “ O Diyos, kung ano man po ang bunga ng pangyayari, ipakita Mo po sa akin ang layunin upang ako’y makapagbigay ng lugod sa Iyo sa lahat ng aking gagawin.” Hindi mali ang pananalangin para sa isang anak. Higit na mahalaga ang pagsuko sa Kanyang layunin at kaluwalhatian. Kung ako ay bibigyan Niya ng anak, at diringgin ang aking panalangin, ang lahat ng kaluwalhatian ay sa Kanya, upang makita ang Kanyang napakalaking kapangyarihan sa aking buhay. Kung sasabihin Niya, “Hindi pa anak Ko”, o “Hindi pa ngayon”, nawa’y gamitin Niya lahat ng aking natutunan sa panahon ng paghihintay upang luwalhatiin ang Kanyang pangalan sa buong daigdig.


Previous
Previous

Ano ang Ginagawa Mo Rito?

Next
Next

Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin?