Ano ang Ginagawa Mo Rito?

Naramdaman mo na ba na ikaw ay nawawalan ng lakas ng loob at hindi mo na kayang magpatuloy? Ikaw ay tinatamad at nanghihina ang loob at pakiramdam mo na ang daigdig ay laban sa iyo at wala ka ng magagawa pa? Si Elias, ang isa sa magigiting na propeta ng Diyos, ay nagkaroon din ng ganitong damdamin. Kung tayo ay nawawalan ng lakas ng loob, tayo ay nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa at nawawala ang nagtutulak sa atin na magpatuloy. Nawawala ang lakas ng loob na magpatuloy. Si Elias, sa 1 Hari :18, ay naranasan ang malaking tagumpay para sa Diyos. Siya ay “nagtagumpay” laban sa mga propeta ni Baal at pinatunayan sa mga tao na may ISANG TOTOONG DIYOS. Siya ay nanalangin na manumbalik ang ulan sa tuyong lupa ng Israel at ito’y nangyari. Naunahan niya si Ahab sa pagbabalik sa lungsod ng Jezreel.

Isang larawan ng tagumpay. Isang maluwalhating tagumpay para sa Panginoon. Marahil inisip ni Elias na ang tagumpay na ito ay magbibigay ng bunga sa pamumuno at ang buong bansa ay magbabalik sa pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos. Nguni’t, sa halip na paggalang at pagbabalik ng mga tao sa kanilang maalab na pagsamba sa Diyos, si Elias ay nakaranas ng poot at babala na siya’y papatayin. Sa 1Hari 19:2, ay nasusulat, “ Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, ‘Lubusan sana akong parusahan ng mga diyos kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.’”

Si Elias ay lubos na nangamba sapagkat siya ay “natakot at tumakas para sa kanyang buhay”(1Hari 19:3). Ito marahil ang pinakamababang pangyayari sa buhay ni Elias. Siya ay nawalan ng lakas ng loob at siya ay naglakbay papuntang ilang at siya’y nagpahinga sa ilalim ng punong kahoy at siya’y nanalangin, “Sobra na po ito, Panginoon ! Kunin na lamang Ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” Nguni’t ang Diyos ay nagpadala ng anghel upang bigyan siya ng pagkain at tubig upang siya ay mabuhay. Pinalakas siya ng pagkain at naglakbay ng 40 araw at 40 gabi hanggang sa nakarating sa Horeb, ang bundok ng Diyos. Ang Diyos ay tahimik, pinabayaan na magpahinga si Elias, kumain at umiinom. Nguni’t sa 1Hari 19:9, tinanong ng Diyos si Elias, “Ano ang ginagawa mo rito?” Ang Diyos ay hindi pinararatangan si Elias, kundi nais ng Panginoon na mag-isip si Elias at tumugon nang may katapatan ng kanyang pag-iisip at damdamin.

Sa 1 Hari 19: 9-13, Pumasok siya sa isang kuweba at doon natulog kına gabihan, at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” Sumagot si Elias, “ O Panginoon, Diyos na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa Inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa Inyo, winasak nila ang mga altar Ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta Ninyo. Ako na lamang po ang natira, at pinagsisikapan din din nila akong patayin.” Nagsalita Ang Panginoon, “ Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa Aking presensya, dahil dadaan Ako.” Pagkatapos may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kuweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?”

Dalawang ulit na tinanong ng Diyos si Elias. Ang tanong ay para sa kapakanan ni Elias at hindi ng Diyos. Walang halong pagbibiro! Ang Diyos ang pinakamataas ! Ang nangyari kay Elias ay hindi isang surpresa. Si Elias ay tumugon din ng dalawang ulit na magkatulad. Si Elias ay dumaing ng kanyang kawalang pag-asa. Ginawa niya ang lahat para sa Panginoon, at tingnan kung ano ang ginawa sa kanya. Siya ay pinaghahanap, walang lakas ng loob at nanghihina sa tugon ng mga tao sa malaking pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa Bundok ng Carmel. Ipinagkaloob ng Panginoon ang mga tugon. Ipinahayag ng Panginoon na ang kasamaan ng sambahayan ni Ahab ay magwawakas at ang mga mamamayan ng Israel ay parurusahan dahil sa kanilang kasalanan. Sinabi ng Diyos na siya ay hindi nag-iisa tulad ng inaakala niya. Siya ay pagkakalooban ng isang makakatulong niya. Ang lahat ng kanyang mga hinaing ay tinugon ng Diyos at hindi ayon sa kanyang kahulugan. Ang Diyos ay hindi siya pinabayaang mamatay, patuloy na nabuhay ay siya ay kinuha habang siya ay nabubuhay pa. Sa kabuuan, sinabi ng Diyos, “Hindi pa tapos ang iyong gawain, Elias. Tumayo ka at maging abala !”

 Ilang ulit na ba tayong nawalan ng lakas ng loob para sa gawain sa Panginoon, at tayo’y nauupo na lamang at wala ng ginagawa? Ang panghihina ng loob ay nagdudulot ng kawalan ng sigla at magdadala sa kasalanan. Sinasabi sa Santiago 4:17, “Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.” Marahil Ito ang kalagayan ni Elias. Marahil ang katahimikan ay nangyayari upang ating alalahanin na tayo ay kabilang sa isang pangkat. Marahil ang mahalagang bagay na matapos tayong magpahinga at ipaalala kung sino ang Diyos, at alalahanin na Siya ang may balak at higit na malaki kaysa sa atin.

Ang aking asawa at ako ay kabilang sa isang napakaliit na samahan sa isang estado na kaunti lamang ang mga kongregasyon. Napakadali na manghina at sumuko, maupo na lamang sa lilim ng isang puno at hindi na kumilos. Nguni’t kailangan ang pagtitiyaga sa panahon ng kasamaan. Si Elias ay gumawa nang labis nguni’t hindi nakita ang bunga ng kanyang mabubuting gawa. Kailangan nating maging matiyaga sa paggawa ng mabuti sa mga panahong ito. “ Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya (Galatians 6:9-10).

Habang tayo’y nabubuhay sa daigdig, ay darating ang mga madilim na araw sa atin. Ito ay dahil kay Satanas. Bilang Kristiyano,tayo ay hindi ligtas sa kahirapan at sakit ng puso; tanging ang ‘robot’ ang makararanas ng kalungkutan sa daigdig na walang pangdamdaming panghihina. Sa kasulatan, ay nakikita natin na ang isang malaking pagkakataon ay laging kasama ang isang malaking pagsalungat. Sinabi ni Pablo sa mga taga Corinto, “Samantala, mananatili ako sa Efeso hanggang sa Araw ng Pentekostes, dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito dahil sa maraming sumasalungat (1 Corinto 16:8-9). Hindi ito isang surpresa sa atin, sapagkat sinabi ni Pedro, “Humanda kayo at mag-ingat dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng masisila.”

( 1 Pedro 5:8).

Kung tayo ay nagsisikap na lumago sa espiritu at gumawa ng gawain para sa Panginoon, May İsa lamang na paraan na maiwasan ang panghihina, at iyon ay huwag gumawa ng kahit ano na may kasamang panganib.

 Sa kasamaang-palad, ito ay ginagawa ng mga tao sa kanilang buhay. Nguni’t hindi ito pagpili kung nais natin na maging lingkod ng Diyos. Sa wakas, kung ang kaharian ay ipagkakaloob na sa Ama, ito ang panahon na ang ating kaligayahan ay mararating ang kaitaasan na higit sa ating inaasahan sa ngayon. Kailangan nating magpakalakas at tumayo para sa gawain sa Panginoon. Tulad ng sinabi sa awit, “ Heaven will surely be worth it all” ( Ang kalangitan ay tunay na napakahalaga ).

Ikaw ba ay nakatayo at naglilingkod para sa Panginoon, o ikaw ba ay nanghihina at puno ng kawalang pag-asa at kalungkutan? Ikaw ba ay nakaupo lamang, naghihintay ng maginhawang gawain na walang pagsisikap? Kung tayo ay namumuhay ayon sa mga bagay na nakikita, ay nakaliligtaan natin ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na iiwan Niya tayo. Si Elias ay hindi iniwan ng Diyos. Ang totoo, hinanap Niya si Elias at siya’y pinagkalooban ng pangangailangan. Sa panahon ng ating kawalan ng paniniwala, ay nakaligtaan natin ang kabutihan ng Diyos. Hindi dapat na mawala sa ating isipan ang katotohanan na ang Diyos ay gumagawa para sa Kanyang layunin, at hindi ang sa atin. Kahit na pakiramdam natin na nais nating sumuko, ang Diyos ay ayaw na tayo’y sumuko. Kung ang Diyos ay darating ngayon at tanungin ka, “Ano ang ginagawa mo rito?”, paano ka tutugon ?


Previous
Previous

“Panginoon, buksan po N’yo ang mata ng katulong ko para makakita siya.”

Next
Next

“Humingi Ka ng Kahit Ano at Ibibigay Ko Ito sa Iyo”