Awit 110 : Jesus, Hari at Pari
Ang paksa sa buwang ito ay nakatuon sa mga hula na tumutukoy kay Jesus, ang Kanyang buhay, at ang Kanyang gawain. Hindi natin Siya lubos na mauunawaan kung sino Siya kung hindi natin pag-aaralan ang Lumang Tipan at natatangi ang Mga Awit. Ito ay nagpapakita na ang balak na ito ng Dios ay hindi pangkalahatang ideya o kuro-kuro na nagbigay ng katuparan nguni’t isang detalyadong balak na ginawa sa bawat bahagi ilang daang taon bago pa dumating si Jesus sa daigdig. Ang mga Awit ay nagbigay ng mga kahanga-hangang detalye tungkol sa buhay at kamatayan ni Jesus at sa mga tao at mga pangyayari na nasa Kanyang paligid. Kahit na ang aklat ng mga Awit ay hindi tinawag na aklat ng mga hula, ang aklat ng mga Awit ay puno ng mga hula mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa pagkakanulo sa Kanya, mula sa pagpapahirap sa Kanya hanggang sa Kanyang kamatayan, mula sa Kanyang pagkabuhay hanggang sa pag- akyat sa langit, at mula sa Kanyang paghahari hanggang sa Kanyang pagbabalik na muli. Malimit na binabanggit ni Jesus ang mga salita sa Lumang Tipan na nagpapahayag tungkol sa Kanya at nagpapakita na Siya ang katuparan.
Mayroong 16 sa 150 na mga awit tinataguriang may kinalaman sa Mesiyas. Marami sa ibang mga awit, kahit na hindi tungkol sa Mesiyas ay tumutukoy kay Cristo sa ibang paraan. Ang lahat ng mga awit, na isinulat ng ibat ibang manunulat ay nauugnay sa Kanyang pagkatao, buhay, pagtatatwa, paghihirap at pagkabuhay na mag-uli. Ang nga awit na ito ay malimit na banggitin at ipinaliliwanag ng maraming manunulat ng Bagong Tipan. Binanggit mismo ni Jesus, “Sinabi Ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa Akin sa Kautusan ni Moses, sa sinulat ng mga propeta at sa mga Awit” ( Lucas 24:44).
Ang isang awit ay ang Awit 110 na nagsasabi kung sino ang magiging Cristo. Ang natatanging awit ay isa sa mga awit sa Lumang Tipan na malimit na banggitin sa Bagong Tipan. Si James Montgomery Boice, isang Amerikanong Reformed Christian theologian, ay nag bilang ng 27 tukoy na pagbanggit o hindi tukoy na pagbanggit sa Awit 110 sa Bagong Tipan.
Ang unang talata ng awit na ito ay isa sa mga malimit na binabanggit sa Bagong Tipan, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo Ka sa kanan Ko hanggang mapasuko Ko sa Iyo ang mga kaaway Mo.” Dito, si David ay ipinahayag ang mga salita ni Jehovah sa Mesiyas, ang Panginoon ni David, si Jesus, sa isang talakayan sa mga Pariseo, pinatunayan ang Kanyang pagka- Dios nang banggitin ang talatang ito. Bago pa ito, ang mga tao ay ipinahayag na si Jesus ang Anak ni David: “Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, ‘Purihin ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!’” (Mateo 21:8-11). Paano mangyayari na si Jesus na nagmula sa lahi ni David ay Panginoon din ni David? Itinutulad ni Jesus na ang pagpupuri sa Kanya bilang nagbuhat sa lahi ni David ay katulad din ng pagtawag sa Kanya na “Ang Panginoon.” Sapagkat Siya ay Dios, na nagkatawang-tao, Siya ay parehong Panginoon ni David at nagbuhat sa lahi ni David. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na muli ,Siya ay umakyat sa langit upang maupo sa Kanyang kamay ng Dios upang maghari at namagitan sa atin hanggang sa Kanyang muling pagbabalik.
“Palalawakin ng Panginoon ang Iyong kaharian mula sa Zion, at paghaharian Mo ang Iyong mga kaaway. Sa panahon ng Iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang- loob na tutulong sa Iyo ang mga tao. Ang mga kabataang Iyong nasasakupan ay pupunta sa Iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga” (Awit 110:2-3). Ang mga talatang ito ay nagpapakita na si Jesus ay nasa Kanyang trono at hawak ang setro na naghahari sa Kanyang kaharian. Isinulat ni Pablo, “Iniligtas Niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal Niyang Anak” ( Colosas 1:13 ). Nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan na isinasaad sa Mateo 28:18 at ang kaligtasan ay nasa Kanyang pangalan lamang (Gawa 4:12). Siya ang ating kabuuan na makikita sa Efeso 1:18-23. Kahit na marami ang hindi naniniwala sa Kanya o hindi kumikilala sa Kanya,Siya ay patuloy na naghahari. Hindi Niya ipinipilit ang Kanyang pamamahala sa atin, nguni’t kusang-loob nating tinanggap nang pinili nating sumunod sa Kanyang mga utos at maging mga anak Niya. Tayo ay naglilingkod sa Kanya sapagkat nais natin Siyang paglingkuran at sapagkat Siya ay mahal natin at iginagalang natin.
“Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya Niya, na Ikaw ay Pari magpakailanman ayon sa Pagkapari ni Melkizedek” (Awit 110:4). Si Jesus ay Pari at gayundin ay Hari. Ito ay kakaiba sapagkat walang sinuman sa Lumang Tipan ang naglingkod sa 2 tungkulin. Ang manunulat ng Hebreo ay sinuri nang malalim ang Pagkapari ni Jesus sa mga kabanata 5-7. Ang mga pari sa Lumang Tipan ay mula sa lahi ni Levi at ang mga hari (maliban kay Saul) ay mula sa lahi ni Judah. Si Jesus ay tinupad ang 2 tungkulin bilang ating Pinuno at ang ating Pari at Tagapamagitan. “Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din Niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi Siya nagkasala. Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang bawat biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (Hebreo 4:14-16). Si Jesus ay ang ating Tagapamagitan na nagbibigay ng matibay na pag-asa at angkla sa ating buhay sapagkat alam Niya ang pinagdadaanan natin at Siya ang magbibigay ng tulong sa oras ng pangangailangan.
Sa Awit 110:5-7, “Ang Panginoon ay kasama mo. Parurusahan Niya ang maraming hari sa oras ng Kanyang galit. Parurusahan Niya ang mga bansa, at marami ang Kanyang papatayin. Lilipulin Niya ang mga namumuno sa buong mundo. Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabing daan, Kaya muli Kayong lalakas at magtatagumpay.” Ito ay inilalarawan ang haba ng paghahari ni Jesus - hanggang sa araw ng huling paghuhukom at pagkagapi ng Kanyang mga kaaway; ang mga naging palalo sa kanilang sarili laban sa Dios ay papatawan ng parusa. Sa Aklat ng Pahayag, si Juan ay inilarawan nang malinaw ang araw na iyon sa kabanata 19:11-16. Tayo ay nakatingin sa araw na iyon, makalipas ang huling paghuhukom, na magkakaroon ng kapayapaan para sa mga matuwid sa Panginoon.
“Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, patı na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang- handa na at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono. Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na Siyang kasama nila. Sila’y magiging mamamayan Niya. At Siya’y makakapiling na nila at magiging Dios nila” (Pahayag 21:1-3). Ang pipiliin ng bawat tao ay matapakan ng Kanyang mga paa, o itanghal na maupo na kasama Niya sa Kanyang trono. “Ang magtatagumpay ay pauupuin Ko sa tabi ng Aking trono tulad Ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng Aking Ama” (Pahayag 3:21)
At sa ngayon, si Jesus ay naghahari, at dinudurog Niya ang kasamaan hanggang ang kasalanan at kamatayan ay Kanyang magapi. Kung tayo ay nakatingin sa mundo ngayon, tila hindi naghahari si Jesus. Tila ang kasamaan ay nangingibabaw, at ang mundo ay hindi na mapigilan, at ang lahat ay magulo, at nasaan ang Dios? Kaya kailangan natin ang mga awit na ito sa Biblia. Maiisip natin na ang Awit ay tungkol kay Jesus sapagkat si Jesus ay ginagapi ang mga kaaway alang-alang sa mga anak Niya. Tinitiyak ng Dios na ang paghahari ng Kanyang Anak ay matatag. Nais ko ang mga salitang ito, “Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya Niya.” Ito ang Kanyang balak na ang Kanyang Anak ay maghahari, at walang sinuman ang may kapangyarihan na baguhin ang Kanyang isipan. Narito ang iyong pag-asa - ang Mesiyas ay naghahari, at Siya’y patuloy na maghahari at gagapiin ang hindi mo kayang gapiin. At pagkatapos na Kanyang magapi ang lahat ng makagagapi sa atin, ipagkakaloob Niya ang Kanyang huling kaharian ng katuwiran at kapayapaan magpakailanman. Ngayon, ito ang karapat-dapat na piliin, ang sumunod sa Kanya.