Ang Karunungan ay Tumatawag, Naririnig Ba Natin?

Ang karunungan ay malayang tumatawag. Ito ang sinasabi sa atin. Naririnig ba natin? Kung tunay na naniniwala tayo sa masiglang manunulat ng Kawikaan, kailangan nating maunawaan na kung kulang tayo sa karunungan, hindi ito kasalanan ng karunungan. Ang unang kabanata ng Kawikaan ay nagbibigay ng malinaw na paglalarawan ng karunungan.

Ang karunungan ay katulad ng isang mangangaral na nagsasalita sa mga lansangan, plasa, pamilihan at mga pintuang bayan. Sinasabi niya,

Kayong mga walang alam, hanggang kailan kayo magiging ganyan? Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong

panunuya?

Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang

karunungan?

Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo.

Sasabihin ko kung ano ang iniisip ko sa inyo.

Ipaaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo.

Ito ay nakahanda para sa lahat; hindi siya namimili at hindi naghahanap ng natatanging tao na may tiyak na katalinuhan. Itinataas niya ang kanyang tinig sa mga lansangan at sumisigaw para sa atin sa mga pook na nilalakbay natin ! Siya ay nasa mga pintuan, nasa mga lugar na ating pinagkakaabalahan, siya ay nanunumbat at nagmamakaawa, o ibinubuhos ang kabutihang loob ng kanyang mga salita upang ipakilala sa lahat. Ngayon, sino ang mga ayaw makinig sa kanyang pagtawag? Bakit marami ang hindi nakakakita o nakaririnig sa kanyang pagtawag?

Hindi natin nakakaligtaan ang tawag ng ating ina kung oras na ng pagkain. Hindi natin hinahadlangan ang tunog ng kampana kung tapos na ang klase, hindi maaaring hindi natin pansinin ang pagtawag sa ating pangalan kung tayo ay naghihintay sa klinika ng doktor, tayo ay masigasig kung tayo ay tinatawag ng ating anak sa hating gabi. Hindi nakapagtataka na ang karunungan sa kanyang katauhan, ay namamangha na ang nangangailangan sa kanya ay hindi binibigyan ng pansin ang kanyang taimtim at patuloy na pagtawag.

Ang karunungan ng Diyos ay buong naipahayag sa paglikha ng daigdig at sa mga gawain ng sandaigdigan, tulad ng pagpapaalala ng Awit 105, “Pasalamatan ninyo ang Panginoon. Sambahin ninyo Siya ! Ihayag sa mga tao ang Kanyang mga ginawa. Awitan ninyo Siya ng mga papuri, ihayag ang lahat ng kamangha mangha Niyang mga gawa.” Nakikita natin ang espiritu ng karunungan na ipinagkaloob ng Diyos sa mga nagtayo at nagpalamuti ng Tabernakulo, kay Joshua, kay Isaiah, at sa marami pang iba. Sa Efeso 1:17, sinasabi na ang Diyos ay nagkaloob ng espiritu ng karunungan sa mga naniniwala sa Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng pahayag at kaalaman sa Kanya.

Sinasabi sa Santiago(James) 1:5, “Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Diyos at ibibigay ito sa Kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat.” At sa gayon, walang katanungan na ang lahat ay binigyan ng pagkakataon na maging matalino, na ang lahat ay hantad sa karunungang ito na nagmamakaawa sa lahat na makinig. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng pagkakataon na makinig; sa katunayan, ang lahat na nakikinig sa kanyang tawag at nalibang sa karunungan na inihayag- ang mga salita ay ibinuhos at ito’y nauunawaan ! Ngayon, bakit marami ang mga walang alam? Bakit marami ang hindi nakakaalam ng karunungan na matatagpuan sa paglalang , sa mga salita na nagkakaloob ng biyaya, awa, kapayapaan, kaaliwan at pag-ibig?

Ang problema sa sangkatauhan ay ang karunungan na inilalarawan at ipinagkaloob sa lahat ng mga kasulatan ay hindi ang karunungan na matatagpuan sa mga gusali ng mga unibersidad, sa mga pagamutan, sa mga silid ng mga politiko, o sa mga balita sa himpapawid at ‘media’ ng ating bansa. Sa katunayan, ang karunungan ng Diyos na ibinuhos mula sa kalangitan ay kinamumuhian ng mga hangal, walang halaga sa mga kilalang angkan, at hinahamak ng mga makapangyarihan. “Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang masasabi na matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan”

( 1Corinto 1:26 ).

At sa gayon, ang mga lalaki at babae ay nagmamadali sa araw-araw, ipinagpapatuloy ang kaalaman sa mga paaralan, naghahanap ng mga katugunan sa mga tagapayo, naghahanap ng payo sa mga dalubhasa,at nagtatatag ng mga pagkakakilanlan ayon sa kultura at makabagong pag- iisip. Nakakaligtaan nila ang tawag ng karunungan ng Diyos na nakatayo sa mga lansangan, nakikita sa mga nilikha, at nagmamakaawa sa katuwiran. Ang karunungan ng Diyos ay hindi nanghuhuli, hindi nanghihila at hindi namimilit. Ito ay tumatawag, kailangan nating makinig at alamin ang ganitong karunungan.

Ang Awit 119 ay inuulit ang mga damdamin ng isang nakakaalam ng halaga ng ganitong karunungan at unawain nang paulit-ulit.

“ Panginoon, ang salita Mo ay mananatili magpakailanman; hindi ito magbabago tulad ng kalangitan... Kung ang Inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati” ( 89-92 ).

“ Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro, dahil ang lagi kong pinagbubulay- bulayan ay ang Inyong mga turo. Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa mga matatanda dahil sinusunod ko ang Inyong mga tuntunin” (99-100).

“ Panginoon, pakinggan N’yo sana ang aking hinaing. Bigyan N’yo ako ng pang-unawa ayon sa Inyong pangako, ay sana’y tulungan ako ng Inyong mga utos na makasunod sa Inyong kalooban” (169-175).

Mayroong ipinahahayag na kawalan sa karunungan ng mundo; tayo ay maiiwan na basyo o walang laman kung ang ating mga mithiin, ang mga hinahabol, mga pagninilay, mga layunin at lakas ay ginugugol sa pagkakamit ng karunungan ng tao bilang gabay. Kailangan nating tingnan, hanapin at isulong ang karunungan ng Diyos at pang-unawa na ipinahahayag sa ating buhay. Ang karunungan ng Diyos ay hindi nakikita sa mga kaarawan; ito ay hinahanap ng mga nagnanais na makamtan ito, anuman ang gulang at mga pangyayari. Ang karunungan ng Diyos ay hindi nakalaan sa mga matatalino, datapwat ito ay natatagpuan ng mga matitiyaga at ginagawa na ito’y maisa puso. Ang karunungan ng Diyos ay hindi mahiwaga o salamangka; ito ay payak at makakamit na walang itinatagong kahulugan o palaisipan na kailangang lutasin.

Ang pagsulong ng maka-Diyos na karunungan ay kailangan sa Kristiyanong pamumuhay. Sa pagsisimula ni Jesus sa Kanyang pagpapahayag ng Mabuting Balita, Siya ay nangako na pupunuin Niya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan. Tinitiyak Niya sa atin na ang espirituwal na biyaya sa buhay ng isang tao para doon na ang pagkatao ay binago ng maka-langit na karunungan; ang mga mababang-loob, ang mga nagdadalamhati,ang mga taong inamin na nagkulang sila sa Diyos, at ang may malinis na puso. Kung narinig natin ang pagtawag, alisin natin ang karunungan ng tao at paniwalaan ang karunungan na hinamak at hindi pinansin ng ating daigdig na payak at walang halaga.

Tatapusin ko ang atIng talakayan sa magandang pangungusap ng Kawikaan 3:21-26, na pinapalawak ang halaga ng buhay na puno ng maka- Diyos na karunungan. Nawa’y magkaroon tayo ng buhay na sa salamin sa palamuti ng tamang karunungan at pagpapasya.

“ Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. Makakatulog ka nang mahimbing at walang katatakutan. Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.”


Previous
Previous

Ang Karunungan ay Tumatawag

Next
Next

Ang Pagkamasunurin ni Gideon at Ang Maka-Diyos na Karunungan