Ano ba ang kahulugan ng ganap na Kristiano?

Bilang Kristiano, ang aking pagiging ganap ay may pansariling pakikipag isa upang magampanan ang layunin ng Panginoon. Ang Banal na Aklat ay maraming kasaysayan na naghahayag ng mga maliliit na gawain ng isang nilalang na may magagawa sa plano ng Diyos; tayo ay iba’t ibang bahagi ng isang katawan na si Kristo ang ulo ( 1 Corinto 12: 12-31, Efeso 4: 11-16 ), at tayo ang mga bato sa templo ng Diyos at si Kristo ang panulukang bato ( 1 Corinto 3:10-16, 1 Pedro 2: 4-5 ). May mga panahon na inaangkin natin na tayo ang gumagawa ng isang bagay, na ang akala natin na ang Diyos ay umaasa na lang sa atin upang magawa ang isang bagay o gawain. Nais natin na tayo ay may karapatan sa maraming bagay. Hindi ito kakaiba sa isang kultura o panahon. Mababasa natin sa Sulat sa mga taga Corinto na sila’y naninibugho sa mga pinagkalooban ng biyaya ng Espiritu, ( 1 Cor.12: 1-11 ). Sa panahon ni Korah,siya ay naghimagsik sa kanyang kalagayan sa bayan ng Diyos, (Mga Bilang 16: 1-35). Ako ,bilang babae na ang gawain ay masasabing nasa likod ng tabing, ay nahihiya na aminin na ako’y nababalisa kung kulang ang aking kakayahan o baka naman labis ang kakayahan upang magampanan ang isang gawain na naatasan sa akin. Ang aking asawa ay mahusay na mag aaral ng Biblia at taga pag salita at hindi nagkukulang sa pagbibigay ng papuri habang siya ay nagtuturo. Sa ibang bahagi naman, sa aking pagtuturo, ang aking panahon ay ginugugol ko sa mga batang nag iiyakan, mga batang gumagapang sa sahig, nagaawitan,nagtatalunan at naglalaro; at sa paglisan ko ng silid aralan ay makikita ko na lang na may pandikit ang aking mga kamay at ang aking hikaw ay nasa bulsa ng aking damit. Kung ang pansin ay nasa akin, ako ay nawawalan ng lakas ng loob. Nguni’t kung ating iisipin na tayo ay binigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng isang malaking gawain, walang nakakahiya dito kahit ito ay maliit na paraan lamang. Tinanong ni Moses si Korah sa kanyang paghihimagsik, “ Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo’y ibinukod ng Diyos ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit Niya kayo sa Kaniya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo’y tumayo sa harap ng kapisanan na mangasiwa sa kanila? ( Mga Bilang 16:9 ). Walang maliit na gawain kung ito’y para sa paglilingkod sa kaharian. Tunghayan natin si Tabitha na malaki ang bahagi sa mga babaeng balo sa Joppa.

Si Pedro ay naroon sa Joppa at siya’y napakiusapan ng mga babae na puntahan si Tabitha, sapagkat ito ay pumanaw na (Ang Mga Gawa 9:36-43). Lubhang mahal ng mga kababaihan si Tabitha, na siya ay puspos ng mabubuting gawa. Ang mga gawain ni Tabitha ay pinahahalagahan ng malaki ng kanyang mga kaibigan. Mga kapatid, alalahanin natin na kahit na ang ating gawain ay may halaga, ang kalooban pa rin ng Diyos ang mangyayari, kahit wala tayo. Wala tayong malaking katangian upang maliitin o baguhin ang plano ng Diyos. Ating tunghayan ang sinabi ni Mordecai kay Esther sa Aklat ni Esther 4: 14, “ Sapagka’t kung ikaw ay lubos na tumahimik sa panahong ito, ay magtataglay nga ng katiwasayan at kaligtasan ang mga Judio sa ibang dako, nguni’t ikaw at ang sangbahayan ng iyong magulang ay mapapahamak.” Ang kalooban ng Diyos ang mangyayari. Narito ang ating pagkakataon na maging bahagi sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa kahit na maliit na kaparaanan.

Previous
Previous

Pagkilala sa Kaaway

Next
Next

Pagpili sa Pakikipaglaban