Panganib ng Sunog Ngayon : Mataas

Fire Danger Today : High

By: Bailey Maycumber, Wiesbaden, Germany

Ano ang dahilan ng isang sunog sa kagubatan? Ito ay nagsimula sa isang maliit na ningas ng apoy ng ‘campfire’ na nakaligtaan ng mga nag ‘camping’ na patayin at siyang pinagmulan ng sunog. Alam mo ba na 85% ng ‘forest fire’ sa Estados Unidos ay maaaring mahadlangan? Ang kailangan lamang ay karagdagang pagsisikap sa ating bahagi na patayin ang kahit na anong maliit na ningas sa pamamagitan ng pagsasaboy ng tubig upang maiwasan ang malaking kapahamakan. Ito ay katulad din ng mga salita na ating binibigkas. Kahit na gaano kaliit o walang halaga ang ating binitiwang salita, ito ay mapanganib tulad ng pinabayaang ningas. Kung ang sunog sa kagubatan ay nagsimula na, ito ay nangangailangan ng maraming oras, tauhan at gawain upang ito’y masugpo. Maaaring may magbuwis ng buhay masugpo lamang ang sunog. At pagkatapos na ang sunog ay masugpo, ano ang matitira? Maabong lupa, pagkasalanta at pagkawasak ng kapaligiran. Ang maraming natira matapos ang sunog sa kagubatan ay hindi maghihilom sa susunod na mga buwan at mga taon.

Ito ay katulad din ng kapangyarihan ng ating salita. Tayo ay nagkaroon ng pakikipag-usap na nag-iwan ng kahungkagan, pagkasira at pagnanais na kunin muli ang salita na nabigkas- tayo o ang ibang tao. Ang mga pangyayaring ito ay nangangailangan ng maraming oras at gawa upang malunasan ang naipahayag na. Kung minsan, ang ganoong pagsisikap ay hindi sapat; ang mga salita ay nakasakit nang malalim. Maiiwasan natin ang ganitong pangyayari na maganap sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral at pag aalaala sa Panginoon.

Sinasabi sa Kawikaan 13:3, “Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag- iingat ng kanyang buhay, nguni’t ang taong madaldal dulot sa sarili ay kapahamakan.”

Isinasaad sa Santiago 3:5-8, “Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakagagawa ng malaking kayabangan. Isipin ninyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ang nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. Pero walang tao na makakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay.”

Ang ating sinasabi ay nangangailangan ng buong pag-iisip; kailangan nating isa isip kung sino ang ating kinakausap at isaalang-alang ang anumang pinagdadaanan nila. Paano tutugon ang nakikinig sa iyong sinasabi sa kanila? Itinuturing mo ba na siya’y isang kaluluwa o isa na maaaring mapabilang sa kaharian ng Diyos? Ang iyong sinasabi ay may kahulugan, kahit sino ka man, kahit na sino pa ang iyong kinakausap.

Ang kalagayan ng ating pag-iisip kung ginagamit ang dila ay mahalaga sa lahat ng oras. Tulad ng pahayag ni Santiago, walang tao ang makapipigil sa dila; samakatuwid, dapat tayong magpatuloy na may pag- iingat kung tayo ay hindi mapalagay. Maaaring ito ay mahirap kung nararamdaman natin na tayo ay sinasalakay at nasasaktan, nguni’t kailangan nating hawakan nang mahigpit ang mga palaso na ating pakakawalaan- na hindi ito makalipad sa pagsiklab ng damdamin- upang mapangalagaan ang buhay at mahadlangan ang kasawiang-palad. Sinasabi sa Kawikaan 12:18, “Ang pabigla-biglang salita ay nakasusugat ng damdamin, nguni’t ang magandang salita ay nagpapagaling.”

Nais nating pangalagaan ang buhay. Naranasan natin ang pananalakay sa isang panahon ng ating buhay- hindi makatarungan na tinutudla ng ibang tao. Minsan sa isang panahon na ako’y nasa ganoong kalagayan, ay may nagsabi sa akin, “ang kanilang kilos ay hindi paglalarawan sa iyo.” Ang mabuting katiyakan na ito ay isang palaging paalala kung mayroong hindi mabuting salta na ipinupukol sa akin; sinisikap ko na alalahanin at itanong, “Ano ang pinag dadaanan ng taong ito na nararamdaman nila na sila’y madaling masaktan na kailangan nilang magsalita ng ganito upang pangalagaan ang sarili nila?” Ano ang sasabihin ko o ano ang hindi dapat sabihin upang tulungan sila na maging tiwasay ang kanilang sarili? Manalangin sa Diyos sa mga sandaling iyon upang tulungan ka Niya na patnubayan at palakasin ka upang luwalhatiin Siya sa pamamagitan ng iyong salita at kilos. Ang paulit-ulit na paala-ala sa Kawikaan 18, ang hindi mapigilang dila ay nagdadala sa atin sa pagiging hangal:

* “ Ang taong hangal ay hindi naghahanap na matuto; ang gusto lang niya ay nasabi ang nasa isipan” (2).

 * “Ang sinasabi ng taong hangal ay pinagmumulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan. Ang salita ng hangal ay maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan” (6-7).

* “Ang pagmamataas ng tao ang magpapahayag sa kanya,nguni’t ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya. Hangal at kahiya-hiya ang taong sumasagot sa usapan ng hindi muna nakikinig”(12-13).

Kung minsan ang pinakamabuting paraan na bantayan ang ating bibig ay manatiling tahimik at gamitin ang tamang pakikinig. Nang una kong makilala ang aking asawa, siya ay napakatahimik, nguni’t kung siya’y nagsasalita, ang mga tao ay nakikinig. Siya ay may kahanga-hangang kasanayan kung ano ang dapat na mapakinggan ng mga nakapaligid sa , at ito ay puno ng kahulugan at pang-unawa sa pangyayari. Ang katangian niyang ito ang nagbigay sa akin ng pagnanais na makilala siya nang lubusan. Ako ay humahanga sa kakayahan niya kung kailan magsasalita at kung kailan hindi.

Kung tayo ay nasa paligid ng ibang tao na nagsasalita upang marinig lamang nila ang kanilang sarili, sila lamang ang nakikinig; ngunit kung ang isang tao na bihirang magsalita ay may sinasabi, ito ay karaniwang nagbibigay sa mga nasa paligid niya na makinig. Bakit ganito? Muli, ang Kawikaan ay nagbibigay ng katugunan: “Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos. Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik” (17:27-28).

Kung ikaw ay nagsasalita, unawain mo na ang bawat kataga na iyong binibigkas ay hinahatulan. Sa Mateo 12:36-37, sinabi ni Jesus sa mga nasa paligid Niya, “Tinitiyak Ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung parurusahan ka o hindi.” Ang talatang ito ay maliwanag na inilalapat sa mga salita na sinabi ng lihim, tulad ng bulong o hayagan man sa ‘social media.’

Sa pagkakaunawa ng maselang pangangailangan na pigilan ang ating dila, paano natin “babantayan ang ating bibig”? Kailangan nating tiyakin na basaing mabuti ng tubig ang ningas ng ating matabil na dila upang walang kaguluhan na magmumula dito. Susundan natin ng patuloy na pag-iingat sa pamamagitan ng malimit na pagpipigil sa matabil na dila.

Tayo ay dapat na maging maalalahanin kung sino ang kinakausap natin at kung ano ang mga pakay natin. Tayo ay tinawag upang magpakumbaba at isa alang-alang ang lahat bago magsalita. Ang pagsasalita ba ay kailangan para sa kalagayan o ang payak na pakikinig ay mas mabuti? Pangalagaan natin ang buhay sa halip na magbigay ng kaguluhan, pagkawasak at kapahamakan.


Previous
Previous

Ang Kapangyarihan ng Wika at Pagsasalita

Next
Next

Ang Hindi Nababantayang Dila