“Panginoon, Bakit Po Ninyo Ipalalasap ang Galit N’yo sa Inyong Mamamayan?”

By : Sharon Ferencze, Flemington, New Jersey

Mula sa Exodus 32:1 hanggang 33:6, ay mababasa natin ang kuwento na puno ng maalab na damdamin. Nakikita natin ang matinding galit ng Diyos, ang marahas na tugon ni Moses, ang malaswang pagtitipon ng mga tao, ang katapangan at pasya ng mga Levita, at ang kalungkutan at hapdi na bunga ng mga kasalanan.

Nakita natin si Moses na tulad ni Cristo, ang namamagitan at kusang-loob na pagbabayad sa nagawang kasalanan ng mga tao. Napag-aralan natin ang mga katauhan ng Diyos at ni Moses kung ano ang ikinagalit nila at ang kanilang tugon. Nakita natin ang kabayaran sa kasalanan. Ito ay may kalungkutan, malubha at nakakababang-loob. Gayunman, nakikita rin natin ang pag-asa na manikluhod sa Diyos at maaaring mabago ang takbo ng kasaysayan.

Simulan natin ang tanong na matatagpuan sa Exodus 32:11. Si Moses ay nagtanong sa Diyos, “O Panginoon, bakit po Ninyo ipalalasap ang galit N’yo sa Inyong mamamayan....?” Alam ni Moses kung bakit galit ang Diyos, nguni’t ang katanungang ito ay ang simula ng pakikipag-usap sa Diyos. Si Moses, bilang taga-pamayapa, ay namanhik at nangatwiran sa Diyos na baguhin ang Kanyang pasya na lipulin ang mga tao.

Ang mga Israelita ay hindi naging matiyaga sa paghihintay kay Moses na bumaba mula sa bundok. Sa tulong ni Aaron,sila ay gumawa ng gintong baka at sinamba ito tulad ng pagsamba sa Diyos na nag-alis sa kanila sa Ehipto. Sila ay nagsaya, kumain at umiinom. Sila ay umawit at nagsayaw sa kanilang diyos-diyosan.

Nakita ito ng Diyos at ang Kanyang galit ay sumiklab. Siya ay tapos na! Siya ay handa nang lipulin ang buong bayan. Sinabi Niya kay Moses na ipagpapatuloy Niya ang Kanyang sambahayan at ang Kanyang mga pangako sa mga patriyarka sa pamamagitan niya. Naiisip ko ang magkaka-ibang damdamin na naramdaman ni Moses. Siya rin ay pagod na sa mapaghimagsik at walang kasiyahang ugali ng mga Israelita. Sila ay malaking pasanin kay Moses. Hindi niya talaga gusto ang gawaing ito. Ang kanyang buhay ay maaaring maging magaan ! Kung wala ang pasaning ito, maiiukol niya ang kanyang panahon sa kanyang asawa at mga anak at magiging maligaya ang buhay sa piling nila. Maraming salinlahi ang bibilangin upang maitayo ang isang bansa, at hindi niya ito suliranin. At isipin ang kaluwalhatian na mapapasa-kanya! Siya ang İSA na kinalulugdan ng Diyos sa lahat ng nilalang ! Ito ay Isang nakatutuksong handog.

Gayunman, si Moses ay nakahihigit dito. Marahil ito ang dahilan kung bakit siya ang pinili ng Diyos na maging pinuno ng Kanyang bayan. Si Moses ay nangatwiran sa Diyos, nagmakaawa na baguhin ang Kanyang pasya. Si Moses ay may mababang-loob at pinahahalagahan ang mamamayan ng Diyos at ang dangal higit sa kanyang buhay. Namanhik din siya na burahin ang kanyang pangalan sa aklat ng Diyos...si Moses ay isang tulad ni Cristo...namamagitan para sa mga tao, dinadala ang pasanin ng kanilang kasalanan, inihandog ang buhay para sa kanila. Siya ay tagapamayapa tulad ni Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, na nagbayad ng pinakamataas na halaga upang magdala ng kapayapaan sa pagitan ng Diyos at tao.

Nakita natin na ang Diyos ay sumang-ayon, at ang bansang Israel ay hindi dumanas ng pagkawasak, binago ang takbo ng kasaysayan. Gayunman, si Moses ang may pananagutan sa paglalapat ng kaparusahan. Sinabi niya sa mga Levita, na kakampi niya at ng Diyos, na patayin ang mga naghimagsik. Tatlong libo sa kanilang kaanak ang namatay. Anong laking pinsala ! Anong daming dugo ang dumanak ! Ang kalungkutan, sakit at panghihinayang ay higit kaysa kasiyahan ng kanilang kasalanan. Ang sakit ay tumutulong sa atin na alalahanin, at ang Diyos ay ginagamit Ito upang iwasto ang Kanyang minamahal. Ayaw Niya ng kasalanan sa Kanyang presensya, ito ang naghihiwalay sa ating ugnayan sa Kanya.inaalis natin ang kapayapaan sa Diyos, ang pinakamalaking kayamanan sa buhay, kung pinili natin ang maghimagsik at lumakad sa kasalanan. Ang payapang bunga ng katuwiran at ang pagbabalik ng kapayapaan sa Diyos at ating sarili ay ang layunin ng Diyos sa pagwawasto (Hebreo 12-11).

Sa kuwentong ito, ay nakita natin ang balak ng Diyos sa katigasan ng ulo ng Kanyang mga mamamayan, na minahal, pinaglingkuran, inalagaan, at pinagkalooban ng biyaya. Nakita natin ang kawalan ng katarungan ng kanilang walang utang na loob at mapaghimagsik na mga puso at naunawaan ang tugon ng Diyos. Nakita natin si Moses na naki-usap sa

Diyos na baguhin ang Kanyang isip. Bagaman ang Diyos ay walang kapintasan at laging makatarungan sa Kanyang poot, ang tao ay hindi malimit na makatuwiran, at sa ibang panahon, ay nakita natin ang Diyos na tinutulungan ang tao na makita ang dahilan ng kanilang galit. Ang dalawang halimbawa ay sina Cain at Jonah. Nang sı Cain ay nagalit sapagkat ang handog ni Abel ay tinanggap at ang sa kanya ay hindi, tinanong siya ng Diyos, “ Bakit ka nagagalit?” Nais Niyang makita ni Cain na ang kanyang galit ay bunga ng kapalaluan, ito ay hindi nararapat at maghahatid sa kasalanan kung hindi niya ito tatalunin (Genesis 4).

Sa kuwento ni Jonah, si Jonah ay nagalit sapagkat ang halaman na nagbibigay sa kanya ng lilim ay nalanta kinabukasan, at ang pinakamahalaga, ang mga tao sa Nineveh ay hindi nagdanas ng parusa. Tinanong ng Diyos si Jonah, ang makasarili at walang pagmamahal sa mga taga Nineveh, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa Ko sa Nineveh?” (Jonah 4). Ang Diyos ay nangatwiran sa 2 lalaking ito upang tulungan sila na isaalang-alang ang pinagmulan ng kanilang galit at ang kanilang tugon.

Kung ano ang ikinagagalit ng Diyos, ako man ay nagagalit din. Ito ay nararapat. Ang mga halimbawa ng nararapat na galit ay ang mga ito :

Ang poot ni Moses sa ating paksa, ang galit ni David kay Goliath sa pagkutya sa mga Israelita at pagsasalita ng mga walang galang na mga bagay tungkol sa Diyos (1Samuel 17), ang pagkabahala ni Pablo sa mga diyos-diyosan sa siyudad ng Athens habang siya’y naglalakad (Gawa 17-16), ang poot ni Jesus sa mga mapag-imbabaw na mga Pariseo na binabago ang batas ng Diyos at sinasaktan ang “maliliit” na tunay na nagsisikap na tuparin iyon, at ang nagpapalit ng salapi, na ginagawang walang halaga ang bagay na banal. Ang mga taong ito ay pinahahalagahan ang karangalan ng Diyos at ang kaligtasan ng Kanyang mga mamamayan nang higit sa kanilang karangalan at kaligtasan.

Sa parehong pagkakataon, ang halaga ng isang tao ay makikita sa mga bagay na hindi nila ikagagalit. Isaalang-alang si David, ang magiting na hari, nang siya ay nilalait at isinusumpa ni Shimei. Inaasahan ni Abishai na si David ay magagalit at nagmungkahi na pugutan ng ulo si Shimei, nguni’t si David ay nagpakumbaba at ipinagkatiwala ang bagay sa kamay ng Diyos (2Samuel16). Si Jesus, ang Makapangyarihang Maylikha, ay tınuya, sinaktan, niluraan at ipinako sa krus, ay hindi nagalit. Siya ay nagpakumbaba at ipinagkatiwala ang lahat sa kamay ng Diyos.

Sapagkat ang galit ay nagpapakita ng ating pagkatao at halaga, ito ay makabuluhang kasangkapan sa pagninilay. Ano ang nakagagalit sa akin? Ako ba ay nagagalit kung ang aking karapatan ay nilalabag at ang Diyos ay nilalapastangan? Kahit na ang galit ay may kaguluhan at maraming pag-uudyok, tinatanong ko ang aking sarili, “ Mayroon ba akong mabuting dahilan upang ako ay magalit?” Ito ay magbibigay ng pakikipag-usap sa sarili ng mga dahilan ng galit at makatutulong na maunawaan ito.

Ang mga taong galit ay nakapaligid sa atin. Si Satanas ay nais na magbigay ng pagkakahati-hati at alitan, at ang ating kultura ay sinasabi na tayo ay dapat na masktan ang damdamin sa mga bagay. Nguni’t sinabi ng Diyos, ang taong may pag-ibig ay hindi madaling magalit o nagtatanim ng sama ng loob sa kapwa (1Corinto 13:5). Tayo ay maka kapılı, tulad ni David at Jesus, na magpakumbaba na iwan ang kawalan ng katarungan at sakit ng damdamin sa kamay ng Diyos. At higit sa lahat, tulad ng ating Tagapagligtas, pag-aralan nating mahalin at ipanalangin ang ating mga kaaway.

Ang umiiral na galit sa lipunan ay malimit na ang dahilan ay ang mga tao ay espirituwal na “gutom.” Hindi nila nakuha ang pagkain para sa kanilang mga espiritu na nagbubuhat sa Tinapay ng Buhay, kaya sila ay magagalitin, walang kasiyahan, at madaling masaktan ang kalooban. Hindi natin kailangan na maging ganito, Mayroon tayong masaganang hapag na magpupuno sa atin at magbibigay sa atin ng malalim na kasiyahan, kaligayahan at kapayapaan. Mayroon tayong katotohanan na gagabay sa atin habang tayo’y nangangatwiran sa ating sarili at sa iba sa panahon ng pagkagalit. Tulad ni Moses at Jesus, tayo ay magiging tagapamayapa, maghahatid ng kapayapaan sa pagitan ng Diyos, ng ating sarili at sa nakapaligid sa atin. Tulad ng sinabi ni Jesus sa sermon sa bundok, “Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9).


Previous
Previous

“Bakit Mo ginawan ng masama ang Iyong lingkod?”

Next
Next

Sino Po Ba Ako Para Pumunta Sa Faraon ?