“Bakit Mo ginawan ng masama ang Iyong lingkod?”

Tinanong ni Moses habang naglalakbay sa ilang ng ang mga tao ay naghangad ng karne. Ilarawan muna natin bago tingnan ang pag-uusap na ito. Si Moses ay isinilang sa hamak at aliping bansa ng mga Hebreo, nguni’t iniligtas mula sa kamatayan at pinalaki bilang maharlika, sa pangangalaga ng kanyang ina. Siya ay tumakas sa bansa matapos mapatay ang isang Ehipcio na nakipag-away sa isang Israelita. Pagkatapos siya ay naging pastol sa bayan ng Midian sa loob ng 40 taon (Exodus1-2). Siya kaya ay nagtaka kung bakit ito ang kuwento ng kanyang buhay?

Marahil ang kanyang buhay noong una ay naging maliwanag nang si Jehovah ay nagpakita sa kanya sa naglalagablab na puno, na nagsabi, “Nakita Ko ang paghihirap ng Aking mga mamamayan sa Ehipto. Narinig Ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila at naawa Ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. Kaya bumaba Ako para iligtas sila sa kamay ng Ehipcio at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain...kaya ipadadala kıta sa Faraon para palayain ang mga mamamayan Kong Israelita sa Ehipto” (Exodus 3:7-10).

Bagaman atubili, si Moses ay bumalik sa Ehipto. Ang mga Israelita ay naniwala sa mensahe nina Moses at Aaron na ang Diyos ay nakita ang kanilang paghihirap, at sila’y şumamba sa Kanya. Nguni’t ang Faraon ay nagalit sa kahilingan, at kaagad-agad ay pinahirapan ang buhay ng mga Israelita sa pamamagitan ng karagdagang gawain at pinarusahan kung sila ay nagkulang. Ang mga Israelita ay nagalit kina Moses at Aaron. Si Moses ay nagtanong sa Diyos, “O, Panginoon, bakit po Ninyo pinahihirapan ang Inyong mga mamamayan? Bakit N’yo po ako isinugo sa kanila?...Hindi man lang N’yo sila iniligtas.” Sinabi ng Diyos kay Moses, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin Ko sa Faraon...” Ang Diyos ay nagbigay kay Moses at Faraon ng sapat na mga tanda upang maniwala sa Kanyang mga salita, nguni’t sila’y nakakita ng mga tanda na hindi nila sukat akalain.

Ang katigasan ng ulo ng Faraon ay nagbigay sa Diyos na magpadala ng mga salot na nagpahirap sa bayan ng Ehipto, na hindi naapektuhan ang mga Israelita. Sa gabi ng ika-10 salot, na kumitil sa mga panganay na anak ng mga Ehipcio sa bawat sambahayan, ang mga Israelita ay tuluyang nilisan ang Ehipto, na may dalang mga ginto at pilak na ibinigay sa kanila ng mga Ehipcio, tulad ng ipinangako ng Diyos kay Abraham, 400 taon ang nakalipas (Genesis 15: 13-14).

Ang Diyos ay kasama nila paglalakbay. Ang mga tao ay pinangunahan Niya sa pamamagitan ng makapal na ulap sa araw at ginagabayan sila ng naglalagablab na haliging apoy kapag gabi na. Sa harap ng Dagat na Pula at mga kawal ng Ehipto sa kanilang likuran, ang mga Israelita ay agad na nawalan ng pag-asa at natakot, at sinabi pa na mabuti pang manilbihan sa Ehipto kaysa mamatay sa disyerto. Sumagot si Moses sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa mga oras na ito...” (Exodus14:11-13). Ang Dagat na Pula ay nahati ang gitna at naging tayong lupa; ang mga Israelita ay nakatawid sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid, nguni’t ang mga kawal ng Ehipto ay nalunod.

Ang paglalakbay ay nagpatuloy. Ang mga tao ay nauhaw, at sila’y nag reklamo kay Moses. Si Moses ay naki-usap sa Panginoon at Siya’y nagkaloob ng tubig sa tuyong lupa. Sila ay nagutom. Sila ay nagreklamo kay Moses , na hindi nila inisip ang mga mabubutng nangyari sa kanilang paglalakbay, at ang Panginoon ay pinagkalooban sila ng tinapay mula sa langit.

Nang marating ng mga Israelita ang Bundok ng Sinai, sinabi ng Diyos, “Kung lubos ninyo Akong susundin at tutuparin ang Aking kasunduan, pipiliin Ko kayo sa lahat ng bansa para maging mamamayan Ko....at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa Akin”(Ex.19:5-6). Ang pamilya ni Abraham ay isa ng bansa at pinagkalooban ng batas ng karunungan. Sila ay malapit na sa kanilang magiging masaganang lupain. Subalit sa pagpapatuloy ng bantog na kuwentong ito, sila ay gumawa ng idolong ginto at sumamba sila dito tulad ng pagsamba nila sa Diyos na nagligtas sa kanila. Si Moses ay nanikluhod sa Diyos para sa kanilang kapakanan,at ipinaalala ang pangako Niya kay Abraham, Isaac at Jacob.

Sa Exodus 33, tayo ay binigyan ng pagkaunawa sa katangi-tangi at matalik na pag-uusap sa pagitan ni Moses at ng Diyos. Si Moses ay nagtayo ng tolda sa labas ng kampo, at doon siya makikipagkita sa Diyos. Sinasabi roon na ang Diyos ay nakipag-usap kay Moses nang harapan, tulad ng isang tao na nakikipag-usap sa kanyang kaibigan. Si Moses ay naki-usap ng katiyakan sa Diyos na sila’y samahan sa kanilang paglalakbay papunta sa lupang pangako. Siya ay naki-usap nang may pagpapakumbaba,nguni’t may katapangan, “Ipakita po Ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya Ninyo.” Ang Diyos ay tınıyak kay Moses na Siya ay nalulugod sa kanya, at siya’y kilalang-kilala ng Diyos. At pagkatapos ay ipinakita kay Moses ang sinag ng Kanyang kaluwalhatian.

At ngayon, tayo ay nasa pag-uusap sa ika-11 kabanata ng aklat ng Bilang. Ang mga tao ay pinagkalooban ng Batas at ginawa nila ang Tabernakulo, at ang Panginoon ay patuloy silang pinangungunahan papunta sa lupang pangako. Nguni’t -marahil ay iyong nahulaan- ang mga Israelita ay nagreklamo kay Moses dahil sa hirap na kanilang”dinaranas.” Sila ay naghahangad ng karne at mga gulay ng Ehipto, na “hindi nila bina bayaran.” Nagalit nang matindi ang Panginoon kaya nagpadala Siya ng apoy sa ilang dulong bahagi ng kampo. Ang maraming tao ay nananangis sa pintuan ng kanilang mga tolda at si Moses ay sumama ang loob. Tingnan ang susunod na pangyayari.

Si Moses ay nanangis sa Panginoon,nguni’t kakaiba sa pag-uusap nila sa Tolda ng Tipanan. Nagtanong si Moses, “Bakit Mo ginawan ng masama ang Iyong lingkod? At bakit hindi ako makasumpong ng biyaya sa Iyong paningin, na Iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito? Mga anak ko po ba sila? Ama ba nila ako...? Saan po ba ako kumuha ng karne para sa mga taong ito?...Hindi ko po silang kayang alagaan lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin. Kung ganito lang po ang pagtrato Ninyo sa akin, patayin na lang Ninyo ako ngayon.”

Ang Diyos ay malumanay na tumugon kay Moses. Sinabi Niya kay Moses na Siya ay bababa at makikipag-usap sa kanya. Sinabi ng Diyos na tawagin ang mga pinuno ng mga mamamayan upang ipagkaloob sa kanila ang ibang kapangyarihan: “Sila ay tutulong sa pamamahala sa mga tao para hindi siya lamang mag-isa ang mamamahala.”

Nguni’t si Moses ay hindi pa tapos. Sinabi niya sa Diyos na mayroong mahigit na 600,000 mga tao, at saan kukunin ang karne at isda na kanilang kakainin. Sinabi ng Diyos kay Moses, “May limitasyon ba ang Aking kapangyarihan?” At tulad ng mga salita sa naglalagablab na puno, sinabi ng Diyos, “Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi Ko o hindi.”

Ano ang nangyari rito? Nasaan si Moses na nakasaksi sa malalaking ginawa ng Diyos? Nasaan ang tiwala na ang mga pangako ng Diyos ay mangyayari? Nasaan ang lalaki na alam na siya’y kinalugdan ng Diyos?

Dahil hindi sinabi sa atin, hindi ko sasabihin ang inaakala. Nguni’t sa aking sarili, ay narinig ko ang pagkainis, pagod at pagkatalo sa kanyang mga salita. At bakit nga? Tingnan natin ang mga ginagawa ng mapaghimagsik na mga Israelita.

Narinig ko ang aking sarili na jnilabas ang pagkainis, pagkahapo at pagod. Ang bahagi ng pananalita ni Moses na aking nakita at nagbigay ng paninindigan ay ang salitang “nag-iisa.” Sinabi niya, “Hindi ko kayang alagaang lahat nang mag-isa.” Sa naglalagablab na puno at sa mga unang araw sa Ehipto, si Moses ay hindi pa nakita ang malalaking ginawa at karunungan ng Diyos na Siya ang mangunguna sa Kanyang mamamayan. Hindi pa nauunawaan ni Moses, na siya, ang magsasagawa ng gawaing ito. Nguni’t ano ang pumasok sa kanyang isipan na siya’y naging bulag sa laging pagtulong ng Diyos?

Alam ko na may mga panahon sa aking buhay na nararamdaman ko na ang tapat na paglilingkod ay masyadong malaki para sa akin. Ako ay gumagawa nang maayos. Sinisikap ko ang lahat nang makakaya ko, subalit ang pananagutan na magpapakilala ng isang maka-Diyos na pamilya, ang magtrabaho na kasama ang mga nagsisikap na mga Kristuyano, o kapisanan na may kaguluhan, o namumuhay sa isang mundo na tumalikod sa Diyos ay nakapagpapahina sa akin hanggang si satanas ay pumapasok at dinadaya ang aking pag-iisip na ako’y mag - isang gumagawa. Itinataas Ko ang aking paglilingkod na lubhang mahalaga na ako’y nag-aalinlangan na ang mga bagay ay mangyayari kahit ako ay wala. Tinatanong ko ang Diyos kung paano Niya ako maaasahan na magawa ito.

At ang mga salita, “May limitasyon ba ang Aking kapangyarihan?, ay humiwa sa aking puso at ako’y nanikluhod. Isinaalang-alang ko ang lahat ng Kanyang ginawa at ang lahat ng mga pangako Niya. Ako ay bumalik sa Kanyang salita na nagkakaloob ng tagubilin at kaaliwan. Si Cristo ang namamagitan sa akin sa aking pagsusumamo ng tulong sa Kanya. At ngayon ay handa na akong makita ang Kanyang balak sa aking buhay.

Si Moses ay sinunod ang balak ng Diyos para sa 70 matatanda na tutulong sa kanyang pamamahala. Natanggap niya ang tulong na kailangan niya sa oras na iyon. Kung magpapatuloy kang basahin ang aklat ng Bilang, ang pagrereklamo at paghihimagsik ng mga Israelita

ay nagpapatuloy. Si Moses ay marami pang gagawin at ang dinadalang mabigat na pasanin. Nguni’t tayo ay pinagkalooban na makita si Moses, isang magiting na pinuno, ang lalaki na nakausap ang Diyos nang harapan, ay isang tunay na lalaki na may makataong damdamin at pagkukulang. Kung nararamdaman natin na tayo’y nag-iisa, kailangan nating balıkan ang kasulatan at magiging maginhawa ang ating kaluluwa. Kailangan nating alalahanin ang mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos, ibigay ang kaluwalhatian sa Kanya, hingin ang Kanyang tulong, at makikita natin ang Kanyang gagawin.


Previous
Previous

Ang Taong Nais Kong Makilala - Si Maria, Ang Ina

Next
Next

“Panginoon, Bakit Po Ninyo Ipalalasap ang Galit N’yo sa Inyong Mamamayan?”