Josiah, “Sapagkat ....Ikaw ay Nagpakumbaba”

By : Robin Owen, Tampa, FL

Sa panahon na si Josiah ay naging hari, ang Hilagang Kaharian (Israel), ay naging mga bihag ng Asiria dahil sa kanIlang kasamaan, at ang poot ng Panginoon ay ibinuhos din sa Judah sa magkatulad na kadahilanan. Ang ninuno ni Josiah na si Manasseh ay ang pinakamasama at walang kinikilalang Dios na naghari sa Judah. Siya ay nagtayo ng mga altar kay Baal, gumawa ng posteng simbolo ng diosang si Ashera, nagtayo ng mga altar sa mga bagay na nasa kalangitan, dinala ang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo ng Panginoon, pinagtibay ang pag-aalay ng mga tao sa mga dios -diosan, at marami pang iba. Ang ama ni Josiah na si Amon, ay sumunod din sa yapak ng amang si Manasseh at ginawa ang kasamaan sa paningin ng Dios.

Ang namanang lahi ni Josiah ay lahi ng kasamaan at hindi kumikilala sa Dios, gayunman, ang kabataang lalaking ito ay nagbangon sa masamang lahi at tunay na binago ang bansa at nanumbalik sa Panginoon. Ang ilan ay nagsasabi na si Josiah ay ang pinakamabuting hari na nanungkulan sa Judah. Ang kahulugan ng pangalan ni Josiah ay “Jehovah Helps”, at siya ang ika-16 na hari sa Judah at siya ay walong (8) taon pa lamang gulang nang siya ay maupo sa trono. Nang siya ay naging hari, “ Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David at lubos siyang sumunod sa mga utos ng Dios (2 Hari 22:2).

Nasasaad sa ika 2 Cronica 34, na sa gulang na 16, sa ika-8 taon ng kanyang paghahari, sinimulan niya ang paghahanap sa Dios ng kanyang amang si David. Pinili ni Josiah ang Dios. Pinili niya kung ano ang nararapat sa paningin ng Dios. Pinili niya ang pagtalikod sa kanyang pamilya, at sa buong Judah, at pinili na iwaksi ang nakagisnang kultura ng kanyang panahon upang magkaroon ng positibong pagbabago sa Judah.

Sa gulang na 20, sa ika -12 taon ng kanyang paghahari, sinimulan niya ang paglilinis sa Judah, Jerusalem, at ibang bahagi ng Hilagang Kaharian, sa mga matataas na lugar ng pananambahan, ang mga imahen na gawa ng kamay, at mga altar kay Baal. Nilinis ni Josiah ang bansa na may kalakasan at pagpapasya, at nang siya ay tapos na, ay wala ng natira sa pagsamba sa mga idolo.

Sa gulang na 26, sa ika-18 taon ng kanyang paghahari, sinimulan ni Josiah na linisin ang templo ng lahat ng mga kasangkapan na ginamit sa pagsamba kay Baal, Asherah, at ang mga bagay sa kalangitan, at sinimulan ang pagkukumpuni ng templo. Sa panahon ng gawain sa templo ang paring si Hilkiah, ay natagpuan ang Aklat ng Batas, marahil ay ang Aklat ng Deuteronomio. Ibinigay ni Hilkiah ang aklat sa kalıhim na si Shapan at binasa ito sa presensya ng hari. Ito ang unang pagkakataon na narinig ni Josiah ang mga salita ng aklat, at ang bunga nito ay ang pagsira sa kanyang damit ( 2 Hari 22:11 ). Ang pagsira ng kanyang damit ay bilang pagpapakita ng kanyang malalim na kalungkutan at pagsisisi. Napagtanto ni Josiah kung gaano kalaki ang kasalanan at kasamaan ng Judah at hindi maitutulad sa matinding poot ng Dios na ipapataw sa kanila. Sapagkat si Josiah ay nahihiya sa kasalanan ng mga tao at kinatatakutan ang poot ng Dios, si Josiah ay nag-utos sa kanyang mga kasama na mag tanong sa Panginoon para sa kanyang sarili, sa mga tao at sa buong Judah.

Sa pamamagitan ng babaeng propetang si Huldah, ang hari ay napag- alaman na ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay lilipulin ang buong bayan at ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang kasamaan. Nguni’t sa ika- 2 Hari 22:19. ang mensahe ng Panginoon kay Josiah ay, “Pinakinggan Ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan Ko nang marinig mo ang sinabi Ko na susumpain Ko at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit ay umiyak sa harapan Ko dahil sa pagsisisi. Kaya Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na habang buhay ka pa, hindi darating ang kapamahakan na ipadadala Ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.”

Binasa ni Josiah ang Aklat ng Tipan sa mga tao at pinangunahan ang mga tao sa pagsisimula ng pakikipagtipan. İbinalik ding muli ni Josiah ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, na hindi na ipinagdiwang mula sa panahon ni Samuel, at sa lahat ng panahon ng mga hari ng Israel at Judah.

Ang buhay ni Josiah ay nag tapos sa pangungusap na, “ Wala pang naging hari na katulad ni Josiah na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moses, at wala isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya (2 Hari 23:25). Ito ay nagbabalik sa Deuteronomio 6:4-6, kung saan ang mamamayan ng Dios ay tinawag upang mahalin ang Panginoon nang buong puso, kaluluwa at lakas, at ilagay ang mga utos sa kanilang puso. Sa Marcos 12:29, muling inulit ni Jesus ang utos na ito at sinabi na ito “ang pinakamahalagang utos.”

Ang kabataang haring ito ay isang malaking halimbawa, sa mga bata at matatanda, kung paano ang isang puso na lubos na sumasamba sa Dios ay may magagawa. Kailangan nating sundin ang kanyang halimbawa na piliin ang Dios, linisin ang templo, at basahin ang Aklat.

Bilang mga tao ng Dios,kailangan nating piliin ang Dios at piliin kung ano ang wasto sa Kanyang paningin. Ito ay maaaring mangahulugan ng paglayo sa ating pamilya at mga kaibigan at iwaksi ang nakagisnang kultura ng ating panahon. Samantalang hindi natin mahahawakan ang kapangyarihan ng isang hari, ang ating pagpili na hanapin at paglingkuran ang Dios nang buong puso ay magkakaroon ng positibong bunga sa ating pamilya, mga kaibigan, at sa mga nasa ating paligid.

Bilang mga tao ng Dios, kailangan nating linisin ang templo - malinis na bahay. Sa 2 Corinto 6:16, tayo ay tinawag na “templo ng buhay na Dios.” Samantalang hindi tayo sumasamba sa mga nililok na imahen,maraming bagay sa ating buhay ang dapat alisin. Sa Colosas 3:5-9, sinabi ni Pablo na itakwil ang anumang kamunduhan, ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan, galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. Ang mga ito ay walang puwang sa templo ng Dios. Pagkatapos na malinis na natin ang templo, kailangan nating kumpunihin ang templo sa pamamagitan ng paglalagay ng pusong mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait, mapagtiis, magpa- sensya, magpatawaran at higit sa lahat magmahalan (Colosas 3:12-14).

Bilang mga mamamayan ng Dios, kailangan nating basahin ang Aklat, basahin ang Aklat, at basahin ang Aklat nang palagian. Ako ay hindi naniniwala na ito ay lubhang binibigyan ng diin. Ang Salita ng Dios ay hindi mananatili sa ating puso kung hindi tayo mag-uukol ng panahon dito. Sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Aklat na ating madarama ang awa at bagsik ng Dios ( Roma 11:22 ) tulad ng ginawa ni Josiah. Sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Aklat na tayo’y mapapalapit sa Dios at maging mapagpakumbaba sa Kanyang presensya (Santiago 4:8-10) tulad ng ginawa ni Josiah. At sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Aklat na tayo’y magiging masigasig na ibahagi ito sa iba (Marcos 16:15) tulad ng ginawa ni Josiah.


Previous
Previous

Bakit Mo Tinitiis Ang Mga Kamalian ?

Next
Next

Sino Ang Susuguin Ko !