“Ano ba ang Katotohanan? Juan 18:38
By : Madeleine Wessel
Sa Juan 18, tayo ay nasa panahon ng paglilitis kay Jesus bago Siya hatulan ng kamatayan. Sa oras na ito ng gabi , siya ay dinala sa iba’t ibang mga tao na magpapasya ng Kanyang kapalaran. Dito ay nakita natin ang lalaking si Pilato, isang tauhan na nakamamangha sa mga dalubhasa sa Kasulatan, sapagkat hindi tayo nabigyan ng maraming kaalaman tungkol sa kanyang pahayag kay Jesus. Halimbawa, sa Juan 18:33, tinanong niya si Jesus, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?”, nguni’t ito ay pinagtatalunan kung siya ba ay inuuyam ang Panginoon o tunay na nagtatanong, humahanga sa kababaang loob ni Jesus sa maalab na oras na iyon. Sa alin mang paraan, sa Juan 18: 38, sinabi ni Pilato na wala siyang nakitang kasalanan kay Jesus sa harap ng mga tao.
Ang pangungusap na ito ni Pilato ay nakapaloob sa katanungan natin ngayon. Sa Juan 18: 37 ay mababasa natin: Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa Akong hari. At ang dahilan kung bakit Ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa Akin.” Tinanong Siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?” Nang nasabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
Ang talata 38 ay nagtataglay ng katanungan na umaalingawngaw sa buong kasaysayan ng sanlibutan: ano ba ang katotohanan? Tila ba mahirap na subukin at sagutin ang malalim na katanungan sa isang maikling artikulo, nguni’t salamat sa salaysay ni Juan na ito’y nasagot na bago pa dumating sa puntong ito. Tinugon na ni Jesus ang katanungan sa Juan 14:6 - “Sinabi ni Jesus (sa Kanyang mga alagad) “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makararating sa Ama kung hindi sa pamamagitan Ko.”” Ito ay payak nguni’t malalim. Siya ang Katotohanan.
Ang ating tugon sa katanungang ito ay magpapasya sa lahat ng bagay tungkol sa ating buhay bilang mga tagasunod ni Cristo na nabubuhay sa mundong ito. Araw-araw tayo ay natutukso sa mga kuro kuro na magagawa natin ang mga bagay sa sariling paraan, na ang ating paraan ang pinakamabuti, at karapatdapat sa mga biyaya na higit sa ibang tao.
Ang ating mga isipan ay palaging nag-iisip na sinisikap na bigyan ng katarungan ang sarili at nais na ang bawat sandali ay nakatuon sa kung ano ang pinakamabuti para sa atin, ano ang kailangan upang tayo ay manguna sa lahat, at ano ang magbibigay ng kaligayahan sa atin. Tayo ay nagpipilit na makuha ang mga bagay na ipinangako na ni Cristo sapagkat hindi tayo lubos na naniniwala na tanggapin ito.
Ang labanan para sa katotohanan ay hindi lamang sa ating mga tainga. Ilang ulit nating nakikita sa social media ang mga taong naghahayag ng tungkol sa “kanilang katotohanan”? Ang katotohanan na sinasabi ng isang bagay o tao na may kasiraan ay hindi katotohanan, ito ang realidad na sila ang gumawa.
Isang malaking biyaya na nasa atin ang Katotohanan na ipinagkaloob sa atin ng walang bayad. Ang isa sa mga paborito kong talata sa Biblia ay Juan 8: 31-32, “ Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa Kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral Ko, totoo ngang tagasunod Ko kayo. Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.””
Tayo ay mayroong Dios na nagkakaloob sa atin ng pinakamahalagang katotohanan na ating nalalaman! Hindi natin kailangang maghanap ng ating pagkakalinlan o layunin sapagkat sa pamamagitan Niya at sa Kanya ay makikita natin ang mga bagay na ito. Mayroong malalim na kalayaan na hindi kailangan na umasa sa sarili upang makilala kung sino ka - tumingin lang tayo sa itaas at mamuhay kung ano ang ibinigay Niya sa atin. Marami sa atin na ang nais na malaman kung ano ang susunod na mangyayari, ano ang mangyayari sa isang sitwasyon, o ano ang “mabuting” pagpipilian kung tayo ay nagpapasya kung ano ang gagawin. Ako ay naniniwala na ang lahat ng mga katanungang ito ay nagsisimula sa pagsisikap na mabuhay sa isang iniligtas na buhay. Tayo ay lubos na nag-iingat kung paano madudulutan ng kasiyahan ang Dios at mabuhay nang maayos, nguni’t huwag nating kalimutan na ang isa sa mga mahalagang bagay (kundi man pinakamahalaga) tungkol sa pamumuhay na sugo at anak ng Dios ay ipagkatiwala natin sa Kanya ang ating mga hakbang. Hindi natin tungkulin na malaman ang lahat at makita ang kahihinatnan. Ang paghawak sa Kanyang mga kamay sa bawat hakbang at gamitin ang ipinagkaloob sa atin at kung saan Siya mabibigyan ng kaluwalhatian. Hindi ba ito ay nakakapagpalaya!
Ang talata na ako at ang aking ama na malimit na talakayin ay Deuteronomio 29:29. Sinasabi, “May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang nakakaalam, pero ipinahayag Niya sa atin ang Kanyang kasunduan, at dapat natin itong şundin maging ng ating lahi magpakailanman.” Si Moses ay nakikipag-usap sa mga anak ng Israel nang ang Dios ay sinasariwa ang Kanyang tipanan sa Moab, nguni’t ang talatang ito ay totoo rin para sa mga Kristiyano ng Bagong Tipan. Ipinagkaloob ng Dios kung ano ang dapat nating malaman, at ang Kanyang “Makalangit na kapangyarihan ay ipinagkaloob sa atin ang lahat ng bagay para mabuhay nang may kabanalan” (2Pedro1:3). Nasa atin na ang lahat ng kailangan upang mabuhay bilang mga anak ng Dios, at bahagi ng ating gawain ay magtiwala sa Kanya ng mga lihim na bagay!
Huwag tayong tumulad kay Pilato na dahil sa kabiguan o panlalait ay sumigaw ng “Ano ang katotohanan?” na nasa harap niya ang tunay na Katotohanan. Huwag natin sayangin ang panahon at lakas sa paghahanap ng mga bagay na ipinagkaloob sa atin nang walang bayad. Sa halip, tayo ay magpahinga sa katotohanan na ang mga lihim na bagay ay Dios lamang ang nakakaalam, nguni’t ang mga bagay na ipinahayag ay para sa atin, at bigyan ng lakas ng loob ang bawat isa na maging mabuting tagapamahala ng mga ito! Ito ang ating Daan at ang ating Buhay.