Isang Pag aaral sa Pagpapatawad Mula sa Awit 51
By : Amanda Olson, Temple Terrrace, FL
“To err is human, to forgive divine.” “Ang pagkakamali ay makatao, ang pagpapatawad ay maka-Diyos.” Ang pagbanggit na ito na galing kay Alexander Pope noong 1711, ay naroroon na sa lahat ng dako na maaaring hindi binibigyan ng pansin upang tunay na maunawaan ang kahulugan nito. Ang pagpapatawad ay isang paraan upang mahigitan ang ating makataong hangarin para sa katarungan at pagkakapantay pantay. Ang pagpapatawad ay isang hamon sa batas ng pagtatanim at pag aani, ng dahilan at bunga, at ng gintong aral. Sa kabuuan, ang konsepto ng pagpapatawad ay pagsalungat sa ating pagiging Kristiyano: kung tayo’y magtitiwala at susunod sa Diyos, ay hindi natin kailangan ang kapatawaran. Nguni’t sa ating karanasan, ang makasarili at walang kabuluhang mga hilig ay patuloy na magbabalik sa atin sa makasalanang pamumuhay. Ang pagkaunawa sa pagpapatawad at ipaabot ang biyaya sa kapwa ay bahagi ng lakas ng Ebanghelyo sa atin. Ito ay nagbibigay sa atin na itatwa ang sarili at paghariin ang Panginoong Jesus sa ating buhay. Ito ay isang napakalakas na kilos o gawa. Ito ay may mga munting bunga sa ating buhay. Ang pinaka gitna ay nasa kalikasan at kabanalan ng Diyos na lumalaganap sa ating mga puso at kaluluwa at sa wakas ay nagbibigay ng bunga sa buhay ng mga nakasasalimuha natin.
Ang pagpapatawad ay nagsisimula sa Diyos. Nang si David ay naghihinagpis sa kanyang kasalanan, sinimulan niya sa pagsasaad ng kalagayan ng kapatawaran: “O Diyos, kaawaan po N’yo ako ayon sa Inyong tapat na pagmamahal. At ayon sa Inyong labis na pagmamalasakit sa akin, at sa lahat ng pagsuway ko at Inyong pawiin at ako’y patawarin” (Awit 51:1). Ang tapat na pagmamahal at malaking awa ay mga katangian ng Diyos Ama. Kinilala ni David na ang kapatawaran na hinihingi niya ay hindi dahil sa kanyang mabuting gawa, sa kanyang pakikipag ugnayan o taos pusong pagsisisi. Ito ay nagsisimula sa katotohanan na ang Diyos ay pag ibig.
Sa puntong ito sa Biblia, ang walang pagbabago na pagmamahal ng Diyos ay ipinapakita sa daigdig na Kanyang nilikha. Ang kamaharlikahan ay ipinapakita sa buwan at mga tala, oras at panahon, pagtatanim at pag aani, ang buhay na umiikot sa mga halaman at mga hayop- ang lahat ay nakikita sa kalikasan ng Diyos. Isaalang alang ang awa ng Diyos sa muling pagkabuhay ng tao sa pamamagitan ng pagliligtas kay Noah. Sa buhay ni David, ang walang kupas na pag ibig ng Diyos ay napatunayan sa mga pangako kay Abraham bago pa dumating ang mga hamon sa paglisan sa Ehipto, sa paglalakbay,mga pakikihamok at pamamahala ng mga hukom. Ang lupang pangako ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga tao na hindi naging tapat at salawahan, gayunman, ay inangkin pa rin na Kanya at pinagkalooban ng pangangailangan at pagtatanggol sa kanila. Naunawaan ni David na ang kapatawaran na nais niyang makamit ay nakasalalay sa makalangit na katangian ng Diyos.
Hiningi ni David sa Diyos na “... ang lahat ng pagsuway ko ay Inyong pawiin at ako’y patawarin. Hugasan N’yo ako, at linisin N’yo nang lubos sa aking kasamaan” (1-2 ). Ang makalangit na kalikasan ng Diyos ay ipinapakita sa Kanyang kakayahan na pigilin ang konsepto ng katarungan. Sa ating katauhan, ay hinahangad natin ang pagkakapantay pantay na ayos o paraan. Kung saan ang mga masasama ay napaparusahan, at ang mabubuti ay may gantimpala. Ang lakas ng isang pinuno ay ipinapakita sa Kanyang kakayahan na mag kaloob ng katarungan at maayos na pamamahagi ng mga pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, ang Diyos ay isina isantabi ang kahilingan ng tao para sa katarungan, at sa pamamagitan ng balabal ng kabanalan ay ipinagkakaloob ang biyaya. Hindi nababawasan ang Kanyang kapangyarihan na tulad ng iniisip natin; sa halip ito ay nagbibigay sa Kanyang mga tao na sambahin Siya ng may banal na paggalang. Si David ay nagmakaawa sa biyaya mula sa Makapangyarihang Diyos na nagkakaloob ng habag at malaking awa.
Ang susunod na bunga ng kapatawaran ay nagmumula sa Diyos Ama at si David ay tinamaan sa puso. Sa mga talata 3-5,si David ay ipinahayag ang kanyang kasalanan. Ang konsepto ng pagpapahayag ng kasalanan ay may tuwirang kinalaman sa pagpapatawad sa paksang ito. Ang sinabi ng Diyos tungkol sa kasalanan ni David- ay hindi ito magiging kaisa sa kabanalan ng Diyos. Sinabi niya na tama ang Diyos at ang Kanyang paraan ay tama sa kabuuan. Paulit ulit, ay nakikita natin ito sa ating buhay- mahirap sa marami sa atin na aminin na tayo ay mali. Ang muling pag ugnayan sa pagitan ng Diyos at tao ay nakasalalay sa tapat na pag unawa na ang Diyos ay tumpak at si David ay mali. Kung tatalikdan natin ang hakbang na ito ng pagninilay nilay at paghahayag ng kasalanan, ang kapatawaran ay hindi tunay na mararamdaman.
Inulit ni David ang nais ng Diyos para sa “katotohanan sa ating kalooban” bilang isang hindi maiiwasang bahagi ng proseso ng kapatawaran. Tulad ng nakikita natin sa mga bata, sinasabi natin ang mga salitang “patawarin mo ako” at “pinatatawad kita” na hindi tunay sa damdamin. Kung wala ang taos pusong pagkilala sa kamalian, ang ating mga puso ay hindi magpapakumbaba na magbibigay sa kapatawaranq na gawin ang pagbabago.
Ang bunga ng pagpapatawad ay umaabot sa kabila ng ating mga sarili na nagbibigay sa atin ng kakayahan na patawarin ang kapwa kung sila’y nagkasala sa atin o sinuway ang batas ng Diyos. Nagmuni muni si David ng kalikasan ng Diyos nang kanyang isinaad sa Awit 51:13-15, “At tuturuan ko ang mga makasalanan ng Inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa Inyo... At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa Inyong pagliligtas.” Ang pagbubuhos ng pagmamahal mula sa puso na pinatawad ay dapat na makapagturo, magpuri at ipahayag ang biyaya ng Diyos sa kapwa. Ang mga Kristiyano ay dapat na makilala sa ganitong uri ng kagalakan.
Kung iniisip ko ang mga panahon na ako’y nakikipaglaban upang patawarin ang ibang tao, ito ay bunga ng pag iisip sa mga kamalian laban sa akin, sa halip na sa mga kamalian laban sa kabanalan ng Diyos. Malimit kong balikan ang talinghaga ng alibughang anak sa Lucas 15. Ang alibugha, na nagkasala laban sa kanyang ama, at iniwan ang pamilya, ay nagsisi, ipinahayag ang kasalanan, at bumalik sa kanyang maawaing ama. Habang ang pagdiriwang ay nagaganap, ay dumating ang nakatatandang kapatid na lalaki at ayaw pumasok sa bahay upang makipagdiwang. Tinanggihan niya na “ipahayag ang kabutihan ng Diyos “ sapagkat hindi niya naramdaman ang kapatawaran sa kanyang sarili. Hindi niya naunawaan ang pangangailangan para sa kanyang kapatawaran-kahit na siya ngayon ang nasa labas ng tahanan ng kanyang ama, samantalang ang alibughang anak ay bumalik. Ang kagandahan ng kuwentong ito at ang di mabilang na paglalapat ng natutunan ay isang napakalakas na salamin para sa bawat isa sa atin sa iba’t ibang bahagi ng buhay.
Ang Awit 51 ay inihahayag ang payak na paglilinaw kung paano ang pagpapatawad ay maka pagpapabago sa pakikipag ugnayan sa Diyos. Sa krus, Ipinakita ni Jesus ang magkatulad na kaanyuan ng kapatawaran. Ang Kanyang pangungusap na naitala sa Lucas 23:34, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa,” ay ipinaalala sa atin na ang kalikasan ng Diyos ang pamantayan. Nang sumigaw si Jesus,” Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” Siya ay nagdurusa sapagkat napagtanto Niya kung paano ang kasalanan ay naghiwalay sa Kanya at sa Ama. At sa wakas, nang sinambit ni Jesus ang Kanyang huling salita, “ Tapos na”, iniyuko Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga. Ang bunga ng malapit na naroon ay ang pagkaunawa sa kaluwalhatian ng Diyos: “Totoo nga, na Siya ang Anak ng Diyos.” Sa pamamagitan ng paraan ng pagpapatawad, ang kalikasan ng Diyos ay ipinahayag, ang ating mga puso ay nilinis at ipahahayag natin ang bunga sa iba sa isang malakas na paraan ng kapangyarihan ng Diyos sa daigdig. Tunay na ang ating makalupang kamalian ay magdadala sa atin upang maging katulad ng ating Dakilang Tagapagligtas kung ating yayakapin ang kapangyarihan ng kapatawaran sa ating buhay.