O Panginoong Diyos, Paano Ko Po Malalaman na Magiging Akin Ito?

Kung tayo ay magkakamali na unawain ang nilalaman ng katanungan ito, tayo ay may panganib na ipakahulugan na ang tanong na ito ni Abram ay ang kakulangan ng pananalig.

Ang unang talata ng Genesis 15 na pag-uusap ay sumusunod sa mga pangyayari sa kabanata 14. Bagaman mahirap na maging tiyak, maraming pumupuna na si Abram ay nasa Palestina ng mga 15 taon. Sa kabanata14, sa unang pagkakataon sa kanyang paninirahan sa Palestina, si Abram ay nasangkot sa digmaan ng mga hari sa mga bansang nakapaligid sa kanya. Ang katotohanan na si Abram ay may 318 na mga alipin ay nagpapatunay na siya’y mayaman at makapangyarihan... ilang mga alipin na mayroon siya na hindi niya mabibigyan ng armas? Gayunman, si Abram ay hindi kilala bilang isang mandirigma, ang totoo, dalawang ulit na siya’y nagsinungaling upang maiwasan ang sigalot.

Sa Kabila nito, nang si Lot ay binihag, si Abram ay dagling tumugon, at sa kaunting bilang ng mga kawal laban sa 5 hari, ay dinaig niya ang mga kawal ng mga hari at nakuhang muli ang mga binihag na mga tao at lahat ng mga ari- arian na kinuha sa Sodom.

Ang kabanata 15 ay nagsimula na ang Diyos ay nakipagkita kay Abram at sinabi na huwag siyang matakot. Maaaring may mga bagay na dapat katakutan matapos ang digmaan...ang paghihiganti ang isa. Kung ating isasaalang-alang na si Abram ay naglalakbay sa bansang ito ng maraming taon, maaaring isipin niya, “Ano ang ginagawa ko rito?” Sa gulang na 85, siya ay hindi na kabataan pa. Kasama niya si Sarai at lahat ng kanyang mga alipin, nguni’t siya’y walang anak, at sa tuwirang layunin, si Abram ay nag-iisa. Siya ay mayaman, nguni’t siya ay napalilibutan ng mga banyaga, at ngayon ay nasa gitna siya ng pagsasalungatan ng mga bansang ito. Ang mga bagay ay tila madilim.

Pinatunayan ni Abram na hindi siya duwag, nguni’t siya ay tao. At sa gitna ng kaguluhan at walang katiyakan, tayo ay nag-aalinlangan kung ano ang ating alam. Nguni’t kilala ng Diyos si Abram . Ang Diyos ay kilala tayong lahat.

Ang Diyos ay binibigyan tayo ng tunay na lunas sa pagkatakot- isang paalala na Siya ay naroon at Siya ang kalasag at Tagapag-ingat. Ang Diyos ay hindi nagbigay ng kanlungan kay Abram at gayundin sa atin laban sa mga kaguluhan at pagdurusa sa daigdig. Si Abram ay kailangan ding pumunta sa digmaan, siya ay isang dayuhan sa isang banyagang bansa, at kailangang makipaglaban sa mga salungat na mga hari. NGUNIT pinaaalalahanan ng Diyos si Abram na siya ang may pagpipigil. Hindi lamang ang Diyos ang kalasag ni Abram, kundi Siya rin ang gantimpala ni Abram. Tinanggihan ni Abram ang ibinibigay na gantimpala ng hari ng Sodom. Hindi niya kailangan ang mga ito. Anong laking gantimpala ang makakamit ni Abram kundi tanging ang Diyos lamang ?

Malimit nating isipin na ang Diyos ang Tagapagbigay ng gantimpala.. Gaano kadalas nating isipin na Siya ang tunay na gantimpala. Ang mga gantimpala ng mundo ay hindi maihahambing na angkinin ang Diyos bilang ating gantimpala. Sa kahirapan, Siya ang ating kayamanan; sa pagkagutom, Siya ang ating pagkain; sa tagtuyot, Siya ang pinagmumulan ng tubig. Siya ang nagkakaloob ng kapayapaan at katatagan sa ating buhay na kahit anuman ang mangyari sa paligid natin, ay walang bunga sa nangyayari sa ating kalooban. Subalit Kung minsan ay iniiwasan natin ang kapayapaang iyon. Ang ating isip ay nakatuon sa mga walang halagang bagay at tayo’y nagsisimulang dumaing.

Si Abram ay dumaing tungkol sa mga nangyayaring kalagayan ng mga bagay. Sa kabuuan, tinanong niya ang Diyos, “Paano?” Paanong ipagkakaloob ng Diyos ang gantimpala kung siya ay walang anak? Ang alipin ni Abram ang magmamana ng lahat ng kanyang ari-arian. Paano aayusin ng Diyos ang bagay na ito?

Hindi ko alam kung si Abram ay dumaraing tungkol sa Diyos, nguni’t siya ay dumaraing sa Diyos. Ang kanyang espiritu ay naliligalig, nguni’t saan siya pupunta? Saan din tayo pupunta? Ang kawalan ng anak na ipinangako ay isang pasanin kay Abram. Sa paningin ni Abram, ang Diyos ay hindi kumikilos.

Ang lahat ng mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos ay walang halaga habang ang ipinangakong anak ay hindi pa ibinibigay.

Para sa kapakanan ni Abram, inulit ng Diyos ang pangako. Hindi inaakala ng Diyos na ang mga tanong ni Abram ay kakulangan ng pananalig.

 Ipinakita ng Diyos kay Abram ang mga bituin sa kalangitan at sinabi sa kanya na hindi lamang sa kanyang katawan manggagaling ang kanyang tagapagmana, kundi siya ang magiging ama ng bansa na higit ang bilang kaysa mga bituin sa kalangitan.

At si Abram ay naniwala sa Diyos. At dahil siya’y naniwala, itinuring siyang matuwid ng Diyos. Hindi natin alam kung ano ang ginawa o sinabi ni Abram na nagpakita ng kanyang paniniwala o ang Diyos ay nakita ang nilalaman ng puso ni Abram, at sinabi ng Diyos kay Abram na Siya ang nag-utos na lisanin ang Ur, at ipagkakaloob ang Kanyang ipinangako.

Sa puntong ito, na itinanong ni Abram ang Diyos, “O Panginoong Diyos, paano ko po malalaman na magiging akin ito?”

Maliwanag na hindi nag-alinlangan si Abram sa Diyos. Marahil ay nais lamang niyang malaman ang mga pangyayari na darating...kailan at paano mangyayari ito?, o marahil ay humingi siya ng katunayan o tatak ng pangako na napakalayo sa pang-unawa ng tao.

Ang Diyos ay muling binigyan ng katiyakan si Abram sa pamamagitan ng isang kasunduan. Pinagkalooban din niya si Abram ng isang panaginip, nguni’t ito ay hindi masayang panaginip. Sinabi ng Diyos na ang kanyang lahi ay magdurusa. Dahil tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako, ito ay hindi nangangahulugan na ang lahat ay magiging maayos para sa mga tao ni Abram. Nguni’t ang Diyos ay mananatili sa kanila, at sila ay gagamitin para sa Kanyang layunin. Si Abram ay mabubuhay ng maraming taon bago siya pumanaw.

Ito ang palatandaan ni Abram. Ang Diyos ay mananatiling tapat. Pansinin, si Abram ay hindi binigyan ng anumang tanda tungkol sa pagsilang kay Isaac. Alam niya na siya’y magmamana sapagkat sinabi ng Diyos.

Nakamamanghang isipin na ang mga tao sa kasulatan ay humihingi ng mga palatandaan. Si Gideon ay himingi, at siya’y pinagkalooban (Mga Hukom 6). Gayundin si Hezekiah,at siya’y tumanggap ng isa (2 Hari 20). Ang dalawang ito ay hindi tumanggap ng pagtutol. Si Moses ay hindi humiling, nguni’t siya’y tumanggap din (Exodus 4). Ang Urim at Thummim ay nagtataglay ng mga tanda mula sa Diyos (Exodus 28:30).

Si Jesus ay gumawa ng mga tanda sa gitna ng mga tao upang Siya’y makita at makilala (Gawa 2:22). Ang mga tanda ay paulit-ulit na ipinapakita nguni’t ang mga ito ay hinahadlangan. Sa ika-7 kabanata ng Gawa, ipinahayag ni Esteban na ang mga pinuno ng mga Judio ay pinatay ang mga propeta na may tatak ng Panginoong Diyos. Maging si Jesus ay sinabi na walang ipapakitang mga himala maliban sa “himalang katulad ng nangyari kay Jonah,” sapagkat sila’y masasama at hindi tapat sa Diyos at hindi nila nakita ang mga tanda na ibinigay sa kanila (Mateo 16:4).

Tulad ni Abram, tayo ay binigyan ng malaking pangako. Itinuon natin ang ating pag-asa sa mga pangako at ito ang nasa kalagitnaan ng ating buhay. Gayunman, kung tayo ay nasa magkakasangang daan, madalas tayong nag-iisip, paano tayo magmamana? Malalaman natin tulad ni Abram- sa pamamagitan ng pagtitiwala. Ang mga tanda at katunayan na ating nabasa sa kasulatan ang magpapalakas sa ating pananalig.

Samantalang ang Diyos ay mapagbigay ng mga tanda sa Luma at Bagong Tipan, dapat tayong maniwala dahil ang mga tandang ito ay naibigay na. Ang ating pananalig ay ayon sa kakayahan ng Diyos na patnubayan tayo at gumagawa ng mga bagay para sa ating ikabubuti at paglago.

Sa Romans 8:28, sinasabi na, “Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Kanya, na Kanyang tinawag ayon sa Kanyang layunin.” Hindi natin alam kung paano at kailan. Hindi natin nauunawaan ang mga dahilan kung bakit ang bagay ay nangyayari sa paraan nila, at maaaring hindi natin malaman. Mahirap na makita ang mga bagay na makabubuti sa atin kung dumarating ang kasawian.

Tunay, kung titingnan natin ang landas ng ating buhay, makikita natin ang katapatan ng Diyos sa Tipan na ating ginawa kasama Siya sa pamamagitan ng bautismo kay Cristo. Ang mga biyaya ng kaharian na ating tinanggap ay nagbibigay ng kahanga-hangang bagay sa ating buhay. Kung isinasaalang-alang natin ang mga biyaya na ating tinanggap mula sa Kanya, Tunay na makikita natin na Siya’y gumagawa.

Ako ay nagtataka kung ang pagnanais natin ng tanda ay tunay na pagnanais na magpapigil. Ang mga bagay na nais nating malaman ay madalas na para sa ating sarili...sino ang ating pakakasalan, anong trabaho ang papasukin, kung ang gagawing kilos ay may pakinabang...bakit ang mga bagay ay nangyayari sa atin...nais nating makita ang ating hinaharap. Başta bigyan mo ako ng tanda ! Hindi iyan ang hiling ni Abram.

Marahil ang ganitong uri ng kaalaman ay magbibigay sa atin ng higit na paniniwala, o marahil ay magbibigay ng higit na pagpipigil o kontrol. Ang pagpipigil ay kabaliktaran ng pagtitiwala. Sinabi ko noon pa na ako’y isang “control freak”; hindi ito isa sa aking mga katangian. Ito ay pagbabalat- kayo ng sariling pagtitiwala at pag-iisip na magiging kalaban sa buhay espirituwal.

Hindi, iniisip ko na kailangan lang na magtiwala sa lahat ng ginawa ng Diyos noon una. Iyon din lamang ang ginawa ni Abram. Alam niya kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kanya, ay siya’y nagtiwala na gagawin ng Diyos ang Kanyang ipinangako. Hindi ito bulag na pananalig; ito ay may batayan, makatuwirang pananalig. Sa nakikitang diwa at katunayan sa kanyang inaasam at sa hindi nagbabagong ISA na may hawak ng pag- asa ay nagbibigay ng kapayapaan kay Abram. At gayundin para sa atin.

Hindi tayo makalalayo sa kapahamakan, at hindi rin natin alam lagi kung saan pupunta. Gayunman, tayo ay patuloy na kumilos nang pasulong, laging manalangin, nagnanais na maging kaaya-aya sa Diyos at magtiwala sa Kanya. Pinatunayan Niya na Siya’y tapat, at nangako na Siya’y mananatili sa atin, kahit na sa gitna ng kaguluhan. Hindi tayo bibigyan ng mga sagot at tanda, nguni’t ako’y naniniwala na Kung tayo’y patuloy na makikinig sa Kanya, pinag-aralan ang Kanyang mga Salita, at hinahanap ang Kanyang presensya, Siya ay patuloy nating kasama sa ating paglalakad. Mayroon tayong pagtitiwala sa Kanya tulad ni Abram.

Sa Kabanata 16, si Abram ay bumalik sa kanyang tahanan, buong tiyaga na naghihintay sa anak na ipinangako sa kanya. Ang kanyang asawa ang hindi naging matiyaga...nguni’t ito’y ibang paksa na.


Previous
Previous

Ang Diyos na Nakakakita

Next
Next

Sino Ka na Nag-aalinlangan sa Aking Karunungan ?