Bakit Ako ang Pinili Mong Pahirapan ?

By : Vicki Stevens

Isinulat ni Apostol Pablo, “Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat upang turuan tayo...” (Romans 15:4). Tayo ay natututo sa mga isinulat noong unang panahon ng Lumang Tipan, ng mga lalaki na kinasihan ng Diyos upang pagkalooban tayo ng mga tagubilin at pag-asa. Ang Biblia ay nagtala ng mga tanyag na halimbawa, nguni’t walang higit na makahulugan at madamdamin kundi ang buhay ni Job. Sa kanyang kuwento, ay nakita natin ang tagumpay at pagkatalo, pagdurusa ng tao, pagtitiyaga, pagtitiwala, at sa wakas ay pagpapakumbaba na ang bunga ay pagsisisi: “Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Diyos ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisihan ang ganitong kalungkutan.” (2 Corinto 7:10). Ang ilan sa mga bagay na naranasan ni Job ay nararanasan din ng mga tao ngayon.

Pagkatapos ng pagpapakilala sa aklat ni Job, kung saan nakita natin ang pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, at si Satanas ay naghasik ng kapahamakan kayJob, ang tatlong kaibigan ni Job ay dumating sa kanyang bahay upang aliwin siya sapagkat nalaman nila ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Job. Habang papalapit sila kay Job, “pero halos hindi na nila ito makilala” sa kanyang kalungkutan, pagdurusa at sakit. Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi at hindi sila makapagsalita, “sapagkat nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job” (Job 2:11-13).

Sa una, tinanggap ni Job ang mga pagsubok na nangyari sa kanya. Dahil sa mahabang panahon ng kanyang pagsubok, at sa nakayayamot na paghamak mula sa kanyang mga kaibigan - sinasabi na maaaring siya’y nagkasala, si Job ay nawalan ng pasensya. Ipinahayag niya ang kanyang kabiguan sa mga kaibigan at gayundin sa Dakilang Ama, ipinahayag na sana’y namatay na siya noong siya ay bata pa. Tinanong niya ang Diyos, “ At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa Inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili N’yong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa Inyo? Kung nagkasala po ako sa Inyo, bakit hindi N’yo na ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit na hanapin N’yo ako, hindi na N’yo ako makikita” (Job 7: 20-21).

Si Job ay patuloy na naki-usap sa kanyang kalagayan at ipinahayag ang pagiging maharlika ng Diyos : “ Gumagawa Siya ng mga kahanga- hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin....Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Diyos? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa Kanya? Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Diyos na aking Hukom” (Job 9:10-15).

Si Job ay patuloy na dumaing at sinabi ang kanyang sama ng loob, at sinabi sa Diyos, “Huwag N’yo akong hatulan na masama ako. Sabihin N’yo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa Inyo” ( Job 10:2 ).

Alam natin na si Satanas ay may masamang hangarin at laging nag- aabang, malimit na naghahanap ng pagkakataon na akıtın ang tao na magkasala: “Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Diyos, dahil hindi maaaring matukso ang Diyos , at hindi rin Siya nanunukso sa kahit kanino. Natutukso Ang isang tao kapag nahihikayat Siya at nadadala ng sariling pagnanasa (James 1:13-14). Gayunman, ang Diyos ay itinutuwid ang Kanyang mga anak: “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka Niya. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo Niya ang itinuturing Niyang mga anak” (Hebreo 12:5-6).

Sa wakas, si Job at mga kaibigan ay narinig ng Diyos, at nakipag-usap kay Job mula sa ipi-ipo: “Sino ka na nag-aalinlangan sa Aking karunungan? Ang mga sinasabi mo’y nagpapatunay lang na wala kang nalalaman. Humanda ka. Sagutin mo ang Aking mga tanong. Nasaan ka noong nilikha Ko ang pundasyon ng daigdig? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa Akin. Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito? Sino Ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang mga anghel? Sino Ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman? Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat. Nilagyan Ko ng hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng trangka. Sinabihan Ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon. Minsan ba sa buhay mo Job ay nautusan mo ang umaga na magbukang - liwayway ?” (Job 38:2-12).

Sa kabanata 39, inilarawan ng Diyos ang malakas na kapangyarihan at gawi ng mga hayop na Kanyang nilalang sa daigdig: Ang mabibilis na malalaking ibon, ang malalakas na mga kabayo, at ang taas ng nililipad ng mga agila, at iba pa.

Sinabi ng Diyos kay Job, “ Makikipagtalo ka ba sa Akin na Makapangyarihang Diyos? Sinasabi mong nagkamali Ako. Ngayon sagutin mo Ako.” Kaya sinagot ni Job ang Panginoon. “Hindi po ako karatdapat na sumagot sa Inyo. Tatahimik na lang po ako. Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.” (Job 40:1-5).

Sa pagtawag ng Diyos kay Job, ito ay maituturing na pagpapaalala kay Job, tulad ng magulang na nagbibigay ng pagpapaalala sa kanyang anak. Kung minsan, ang isang kabataan ay pinaaalalahanan kung sino ang nagbabayad ng kanilang mga kasuotan, pagkain, gasolina, at maging ang kanilang mga telepono. Ito ay isang nakapangliliit na karanasan. Si Job ay pinagiging mahabang-loob ng kanyang Panginoon at Ama.

Ang pagmamahal ng Diyos kay Job ay hindi nagbago. Si Job ay nanalangin sa Diyos at ang kanyang panalangin ay tinanggap ng Diyos. Pagkatapos, ang Diyos ay biniyayaan si Job nang makalawang ulit. Siya ay muling nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae. Ang kanyang mga anak na babae ay maituturing na pinaka maganda sa kanilang lugar. Pagkatapos ng lahat ng ito, si Job ay nabuhay ng 140 na taon at nakita ang kanyang mga anak at mga apo hanggang ika-apat na salinlahi (Job 42).

Tayo ay nakaranas ng iba’t ibang pagdurusa. Ako ay nakipaglaban sa sakit na kanser mula noong 2017, at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon - isang karamdaman na nararanasan ng maraming tao dito sa daigdig. Ito ay nagkakaroon ng pagbabago sa isang tao,hindi lamang sa pang-pisikal, at pang-kaisipan gayundin sa pang-espirituwal. Maging ang mga kasama sa pamilya ay nagdurusa at nakakaranas din ng ng ibat-ibang damdamin, (galit, pag-aalinlangan, pagkalito, takot, kalungkutan, at iba pa) dahil sa kanilang mahal sa buhay na nagdaranas ng ganitong karamdaman.

Sa kabutihang-palad, sa pagkakaroon ng ugnayan sa Diyos,tayo ay may tulong ng malaking espirituwal na pamilya. Isang Linggo ng hapon, ay may dumating sa aming bahay na mga kaibigan mula sa malayong pook upang dalawin ako, sa pagkaunawa na ito na ang maaaring maging huli. Ang mga manggagamot ay hindi nagbigay ng pag-asa na ako’y makakaligtas dahil sa obstructed bile duct na dulot ng kanser. Ang aking asawa ay nakiusap na pangunahan kami sa panalangin bago sila lumisang mag-asawa sa aming tahanan. Ang aming kaibigan, isang mapagpakumbaba, tahimik at mabait na lalaki ay kinausap ang Diyos nang buong tapang at nag wika, “O Diyos, ALAM namin na Ikaw ang may kapangyarihan na bigyan ng kagalingan ang babaeng ito! Hindi “kung” pagagalingin mo siya, ALAM namin na kaya Mo- kung Iyong kalooban !” Mula noong araw na iyon ng Marso 2022, ang aking asawa at ako ay nagkaroon ng ibang paraan ng paglapit sa Diyos sa aming pananalangin sa Kanya.Ito ay may katapangan! Ito ay may pagtitiwala. Ito ay may paggalang at may pitagan sa İSA na lumalang sa atin. Nang ang aking asawa at ako ay dumalo sa pananambahan sa unang pagkakataon makalipas ang limang buwan, ang isa sa mga pinuno ng iglesya ay nagtanong sa aking asawa, “Ang buong karanasan bang ito ay pagsubok sa iyong pananalig?” Ang tugon ng aking asawa ay, “Hindi ko inisip na ito ay pagsubok sa aking pananalig,nguni’t isang pagkakataon na lumago ang aking pananalig.” Kami ay sumapit sa mabuting pagkakaunawa tulad ni Job, na ang Diyos ang may kontrol, at tayo ay dapat na maging matiyaga sa mga bagay na nangyayari sa Kanyang panahon at hindi sa atin.


Previous
Previous

Sino Ka na Nag-aalinlangan sa Aking Karunungan ?

Next
Next

Napansin mo ba ang Lingkod Kong si Job?