Gaano Po Katagal Bago Ninyo Hatulan ?

By : Donna Keith

Ang pangitain na nakita ni Juan at naitala sa aklat ng Pahayag ay nakalaan na magbigay ng kaaliwan at bigyan ng lakas ng loob ang mga unang Kristiyano na nagdurusa dahil sa kanilang pananalig. Ang kaaliwang ito ay nagmula sa katiyakan na ang Dios ay nakaluklok sa Kanyang trono at Siya ang may pagpipigil sa ating daigdig. Ang Dios at ang Tupa ang magwawagi sa labanang ito na si Satanas at ang kanyang mga kampon ay nakikipaglaban kay Cristo, ang Tupa ng Dios. Dahil sa tiyak na tagumpay na ito, ang mga pinag-uusig na mga Kristiyano noong panahon ni Juan ay may pag-asa na balang araw ang lahat ng pag-uusig at paghihirap ay magwawakas, ang lahat ng mga tao ng Dios ay makakasama Niya magpakailanman, at si Satanas at ang lahat ng mga kampon ng kasamaan ay tatanggapin ang huling paghihiganti ng Dios. Mapasasaatin ang magkatulad na pag-asa at katiyakan mula sa aklat na ito sapagkat ipinagkaloob ni Juan ang wakas ng salaysay na ito.

At habang ang pangitain ay nagaganap, makalipas na tanggapin ni Juan ang mga sulat sa pitong iglesya,inilarawan niya ang tagpo na ang Dios ay nakaupo sa Kanyang trono sa langit kung saan Siya namamahala at may pagpipigil sa lahat ng bagay. Sa Kanyang Kanyang kamay ay ang naka- rolyong kasulatan na may pitong selyo. Si Jesus, ang Tupa ng Dios ay kinuha ang aklat at sinimulang tanggalin ang selyo. Ang unang apat na selyo ay nagpakita ng apat na mangangabayo na may iba’t-ibang kulay ng kabayo at naglalarawan ng ibat-ibang hatol na ihahasik sa daigdig.

Ang ika-5 selyo ay ipinakita ang altar sa harap ng trono ng Dios. Sa ilalim ng altar ay ang “mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila sa salita ng Dios”(Pahayag6:9). Ang mga biktima ng pag- uusig na namatay dahil kay Cristo ay sumisigaw, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago Ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?”(6:10). Ang kanilang paki-usap na pagpaparusa sa mga nagpahirap at nagpapatay sa mga banal ay nagpapaalala sa atin ng magkatulad na tawag para sa katarungan sa Lumang Tipan sa ilang mga propeta at mang-aawit (Awit 58:3-11). Ang mga taong ito, mula sa Lumang Tipan hanggang Pahayag, ay hindi naghahangad ng pansariling paghihiganti sa kanilang mga kaaway. Sila ay nakiki-usap sa Dios na ibigay ang ipinangakong paghihiganti sa kasamaan na kanilang dinanas.

Sa mga pangitain kay Apostol Juan, ang Dios ay ipinahayag na Siya ay magtatagumpay laban sa Kanyang mga kaaway. Ang araw ng katarungan, pagpaparusa at paghihiganti ay susundan ang mga nakipag-isa kay Satanas, nakilahok sa kasamaan at tumangging magsisi. Aalalahanin ng Dios ang mga sakripisyo ng Kanyang mga banal at parurusahan ang mga ayaw magsisi. Gayunman, ang mga Kristiyano na nagnanais ng katarungan ay kailangang maghintay nang may buong pagtitiyaga.

At katulad ng mga araw ngayon, tayo ay maaaring maki-usap sa Dios. Maaari tayong manalangin ng muling pagbabalik sa Panginoon. Maaari tayong maki-usap sa Dios na alisin ang ilang kasamaan dito sa ating daigdig. Maaari tayong manalangin ng taimtim upang mapagtiisan ang mga pagsubok o para sa pisikal na pagpapagaling ng sarili o para sa isang mahal sa buhay. Kung hindi natin nakikita ang bunga ng ating minimithi, nakikita ba natin ang ating sarili na nag-iisip, “Gaano katagal, O Panginoon?”

Ang tugon sa atin ay katulad din sa mga kaluluwa na nasa ilalim ng altar. Kailangan nating maging matiyaga sa paghihintay. Sa pagkakaroon ng pangunahing simulain mula sa salita ng Dios sa ating mga puso, ay makatutulong sa atin na magtiis, magpakasakit, at buong pagtitiyaga na maghintay sa tugon ng Dios. Kasama Ang mga sumusunod :

Tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako, ang Kanyang katarungan ay mananatili, at ang Kanyang layunin ay matutupad. Alam natin na ang Dios ay hindi nagbabago (Malakias 3:6), at hindi nagsisinungaling ang Dios ( Hebreo 6:18 ; Titus 1:2). Dahil sa mga itinatag na mga katotohanan, mayroon tayong pagtitiwala na Siya ay magiging tapat sa Kanyang mga pangako ( 2 Timoteo 2:13 ; Hebreo 10:23). Sa kabuuan ng Biblia, ay maraming mga halimbawa ng natupad na mga pangako, kasama ang mahigit na 300 sa Lumang Tipan na may kaugnayan sa darating na Mesiyas. Sa pagkilala sa katiyakan ng Kanyang mga pangako ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan kung binabasa natin ang Kanyang mga balak na ipadala ang Kanyang Anak sa ikalawang pagkakataon (Gawa 3:18-20 ; Juan 14: 2-3) at muling buhayin ang mga patay (Juan 5: 28-29). Tayo ay nakatitiyak na Siya ang hahatol sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Anak ( Juan 5: 22,27 ) na magbibigay ng buhay na walang-hanggan sa mga naging tapat sa Kanya (1Juan 2:25 ; Titus 1:2) at habang-buhay na kaparusahan sa lahat ng hindi sumunod sa Kanya (2 Tesalonika 1:6-9). Ang kalooban ng Dios ay mangyayari. Ang Kanyang walang-hanggang layunin ( na naroon na bago pa Niya lalangin ang daigdig) ay magaganap sa kabuuan sa muling pagbabalik ng Panginoon.

Tayo ay pangangalagaan at ipagtatanggol Niya. Sapagkat ang Dios ay tinutupad ang Kanyang mga pangako, tayo ay nakatitiyak na pangangalagaan Niya ang Kanyang mga pinabanal habang hinahanap ang Kanyang katuwiran (Mateo 6:33), at ibinibigay ang mga kabalisahan sa Kanya (1 Pedro 5:7). Tayo ay naniniwala na ipagkakaloob Niya ang paraan para maiwasan ang tukso (1 Corinto 10:13). Maiiwasan natin ang mga pag-aalala sa mga pang- araw- araw na pangangailangan sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat (Filipos 4:6). Alam natin na kahit na hindi Niya tayo alisin sa mga kahirapan, ipagkakaloob Niya ang lakas upang paglabanan ito. Tutulungan Niya tayong unawain ang katiyakan ni Pablo sa sulat sa Roma 8:18, na, “ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapasasaatin balang araw.” Ano man ang mangyari sa daigdig, kung tayo ay mananatiling tapat, pangangalagaan Niya ang ating espiritu at ipagkakaloob ang ating pag pasok sa buhay na walang-hanggan sa langit. Kung susundin ang Kanyang mga utos at patuloy na maging matatag sa pananalangin (humihiling ng may pananalig, na may tunay na adhikain, at nagpapatuloy sa Kanyang kalooban), Siya ay makikinig at tutugon. “ Ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon” (Panaghoy 3: 22-23).

Gagawin Niya ang lahat ng bagay sa Kanyang panahon. Samantalang tunay na kailangan nating tingnan at hangarin ang muling pagbabalik ng Panginoon (2 Pedro 3:12-14) at buong pananabik na maghintay sa Tagapagligtas (Filipos 3:20), kailangan nating unawain na ang araw ng paghuhukom sa kasamaan at pagkakaloob ng katuwiran ay nasa panahon ng Dios. Sinabi mi Santiago sa mga Kristiyano na tumanggap ng kanyang liham na pagtiisan ang mga pagsubok at maghintay nang buong tiyaga sa pagdating ng Panginoon (Santiago 5:7). Ang pagbabalik ni Cristo ay tanging ang Dios lamang ang nakaka-alam at ito ay “nasa Kanyang takdang panahon” (1 Timoteo 6:14-15). Bago ang Kanyang pag-akyat sa langit, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na nagtanong kung ito ba ang tamang panahon na ibabalik ang kaharian ng Israel, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo ang kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito”( Gawa 1:7).

Ipinahayag ni Santiago sa kanyang mambabasa na pagsamahin ang kanilang matiyagang paghihintay (ang kanilang pagtitiis sa mga pag hihirap) na may panalangin. Alam natin na ang panalangin ay mahalagang bahagi sa buhay ng isang Kristiyano. Isang talinghaga ni Jesus ay nagtuturo na kailangan nating laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa (Lucas 18:1). Ang alagad na si Pablo ay hinimok tayo na patuloy na maging matiyaga sa pananalangin (1 Tesalonika 5: 17). Kung tayo ay humihiling sa Dios ng kahilingan na karapat-dapat maaaring sumagot Siya “Oo”, o ng “Hindi.” Maaaring ang layunin Niya ay sagutin ang ating kahilingan sa panahon na naaayon sa Kanyang kalooban para sa higit na mabuting buhay sa lupa na hindi natin nakikita. At sa gayon, kailangan nating matuto (tulad ng mga kaluluwa sa ilalim ng altar) na maghintay sa Panginoon. Anuman ang ating panalangin, tulad ng pang-katawang kagalingan, tulong sa paghihirap, o alisin ang kasamaan, ang kasulatan ay nagtuturo na maghintay nang may pagtitiyaga sa pag kilos ng Dios. Tutugunin Niya ang mga panalangin sa paraan at oras na magbibigay ng higit na layunin sa Kanyang mga balak.

Tayo ay magtatagumpay. Ang pangitain sa Pahayag ay tinitiyak sa mga mambabasa ni Juan na ang Panginoon ay gagapiin ang lahat ng Kanyang mga kaaway at ang mga banal ay bibigyan ng katarungan at biyaya. Sila ay makakasalo sa tagumpay laban sa mga kaaway ng Dios at makikigalak sa tagumpay ng katuwiran laban sa masama. Ang mensaheng ito ay mahalaga sa mga naunang Kristiyano na nagtitiis ng lubhang pag-uusig, nguni’t ang aklat ay puno ng pagbibigay ng lakas ng loob at kaaliwan sa mga anak ng Dios na nagtitiis ng paghihirap at mga pagsubok. Sa kaalaman na ang tagumpay ay tınıyak para sa mga tapat na banal, tayo ay magtitiyaga hanggang sa matanggap natin ang ipinangakong pagpapala.

Ang Dios ang may pagpipigil sa Kanyang buong daigdig. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapala, titiyakin Niya na ang Kanyang mga layunin ay matutupad. Kahit na hindi natin nauunawaan kung paano ang Dios ay kumikilos sa daigdig, tayo ay may pagtitiwala na Siya ay kumikilos. Tulad ng sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, “Napakadakila ng kabutihan ng Dios! Napakalalim ng Kanyang karunungan at kaalaman! Hindi natin kayang unawain ang Kanyang mga pasya at pamamaraan! (Roma 11:33).

Kailangan nating ibuhos ang buong pansin sa pagtitiwala sa Dios, umasa sa Kanya, at gamitin ang karapatan ng panalangin. Sa ganitong paraan, tayo ay may buong kasabikan at buong tiyagang maghihintay sa pagbabalik ng Panginoon at maging palagay ang loob sa nabalam na tugon sa ating mga panalangin. Tayo ay dapat na magpasalamat nang may kababaang-loob na ang Dios “dahil sa dakila Niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang ito ay nasa langit ,walang kapintasan, walang dungis at hindi kumukupas. At sa pamamagitan ng pananampalataya ninyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasan nakalaang ihayag sa huling panahon .”(1 Pedro 1:3-5). Dahil sa pag-asang ito, sinabi ni Pedro, na tayo’y “magagalak sa kabila ng ibat-ibang pagsubok, sapagkat ang mga pagsubok na ito ay panandalian lamang” (1Pedro 1:8).

Mayroong mga panahon sa ating buhay na nais nating tanungin ang Dios, “Hanggang kailan, O Panginoon.” Nawa’y huwag tayong mawalan ng pag- asa nguni’t sundin ang payo ni David sa Awit 27:14, nang sabihin niya :

“ Magtiwala kayo sa Panginoon ! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon !”


Previous
Previous

“Saan Naroon Ang Aking Dangal?”

Next
Next

“Huwag Kayong Matakot,kundi Palakasin Ninyo ang Inyong mga Kamay”