“May Karapatan Ka Bang Magalit?”

By: Carri Hawkins, Galltin, TN

Ang kuwento ni Jonas ay alam nating lahat at isa sa mga kinagigiliwan ng mga bata. Mababasa natin sa mga pahina ng aklat ang hindi pagsunod ni Jonas sa Panginoon, ang malakas na hangin sa dagat, ang malaking isda na lumunok sa kanya at ang himalang nabuhay siya sa loob ng tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw at gabi. Binanggit din ni Jesus ang pangyayaring ito sa Mateo 12 at Lucas 11, sa mga eskriba, mga Pariseo, at sa mga nakikinig, na alam ang kuwento tungkol kay Jonas. Natatandaan ba natin na may higit na mahalaga sa kuwento? Na ang Diyos ay tinanong si Jonas ng dalawang ulit kung siya ay may “magandang dahilan” upang magalit?

GALIT ! Sa salitang ito ay makakaramdam ka ng panganib at takot. Tama ba ito? Na magkaroon ka nito? Na maramdaman mo ito? Ito ba ay may pahintulot? Ito ba ay wasto para kay Jonas? Ang galit ay maaaring pahintulutan, nguni’t sa ilang tiyak na pangyayari, sa isang maikling panahon lamang, at ito ay dapat na may pagpipigil at ito’y mahahawakan nang maingat. Tingnan natin ang pangyayari kay Jonas kung siya ba ay may karapatang magalit.

Si Jonas, isang propeta sa Israel, ay pinapunta ng Diyos sa Nineveh (isang siyudad ng mga Hentil sa Ilog ng Tigris), upang ipahayag na ang kanilang kasamaan ay ikinalulungkot ng Diyos. Sa ika-4 na kabanata, sinabi ni Jonas ang dahilan kung bakit hindi niya sinunod ang Panginoon. Hindi sa dahilan na si Jonas ay takot na pumunta roon, kundi alam niya na ang Panginoon ay mahabagin, mapagmalasakit, mapagmahal, at handang magbago ang isip na hindi na magdadala ng parusa,at ang Panginoon ay hindi madaling magalit ! Si Jonas ay walang hangarin na maligtas ang mga mamamayan ng Asiria. Sila ay mga Hentil ! Sila ay masasama at nasusuhulan ! Sila ay hindi naniniwala sa Diyos ! Sila ay hindi ang piniling mamamayan ng Diyos ! Si Jonas ay nagbayad ng pamasahe sa isang barko mula sa Joppa hanggang Tarshish (isang siyudad na ngayon ay Espania ) na salungat sa papuntang Nineveh. Ang apo sa tuhod ni Noah na si Nimrod ( ang anak ni Cush na anak ni Ham ), ang nagtatag ng Nineveh (Genesis 10:1-12). Ayon sa kasaysayan, ang Nineveh,sa panahon ni Jonas, ay nakikipagdigmaan sa Urartu (isang makapangyarihang bansa malapit sa Dagat ng Caspja). Maaaring dahil sa kaisipan ng mga taga- Nineveh dahil sa digmaan, marahil nakita ng Diyos na sila ay handa nang makinig. Ang Diyos ,bilang nakaaalam ng lahat ng bagay, ay alam ang tamang panahon upang ipadala si Jonas sa Nineveh, tulad din ng ipinadala Niya si Moses sa Ehipto, at ipadala ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus sa daigdig.

Ang Diyos ay nagpadala ng napakalakas na hangin, na hindi pa naranasan ng mga tripulante. Ito ay hindi lamang nagbigay ng pansin kundi nagpalabunutan sila upang malaman ang dahilan. Si Jonas ! Sinabi ni Jonas ang kanyang kasalanan, na siya ay tumatakas sa Panginoon, at sinabi niya na itapon siya sa dagat at ang hangin ay kakalma at maliligtas ang kanilang buhay. Nguni’t si Jonas ay nakaligtas din ! Ang Panginoon ay nagpadala ng malaking isda upang lunukin siya at siya’y nabuhay sa loob ng 3 araw at 3 gabi. Habang nasa loob ng isda, si Jonas ay nanalangin, humingi ng tawad at nangako. Sinabi niya, “ Pero maghahandog ako sa Inyo nang may awit ng pasasalamat. Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa Inyo. Kayo po ang Panginoon na nagliligtas.” Makalipas ang 3 araw at 3 gabi, inutusan ng Panginoon ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.

Sa pangalawang pagkakataon ay sinabi ng Panginoon kay Jonas na pumunta sa Nineveh, at si Jonas ay sumunod. Ang lungsod ay malaki at ito ay lalakarin ng 3 araw bago sapıtın. Sa unang araw, sinabi ni Jonas ang mga salita ng Panginoon, “May apatnapung araw na lamang ang natitira at ang Nineveh ay wawasakin.” Ang mga tao ay naniwala sa Diyos, sila ay nag-ayuno, nagsuot ng damit na pangluksa mula sa pinakadakila (ang hari at kanyang mga pinuno), hanggang sa pinaka-aba, at gayundin ang kanilang mga hayop. Nakita ng Diyos ang kanilang mga ginawa, ang kanilang pagsisisi at nagbago ang Kanyang isip at hindi na Niya nilipol ang mga taga-Nineveh tulad ng Kanyang sinabi. At si Jonas ay NAGALIT ! Siya ay galit na galit at sinabi sa Panginoon na kunin na lamang ang kanyang buhay. Kaya tinanong siya ng Panginoon, “May karapatan ka bang magalit.” Hindi ba si Jonas ay binigyan ng pangalawang pagkakataon? Hindi ba siya ay hindi rin sumunod? Hindi ba siya rin ay iniligtas?

Dahil sa galit, si Jonas at umalis sa lungsod kung saan siya ay gumawa ng masisilungan at hinintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Siya ba ay umaasa na ang mga tao ay babalık sa kanilang kasamaan? Na ang pagpapaliban ng parusa ng Diyos ay pansamantala lamang? Ang init ng araw ay nag-aalab kaya ang Diyos ay nagpatubo ng isang malagong halaman upang maliliman siya. Ito ay ikinagalak ni Jonas. Kinabukasan, ipinakain ng Diyos sa uod ang halaman at ito’y nalanta. Pagsikat ng araw, pinaihip ng Diyos ang mainit na hangin mula sa silangan at halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang kanyang ulo. Dahil wala na ang halaman, siya ay naki-usap sa Panginoon na mabuti pa na siya’y mamatay na lang. Tinanong uli ng Diyos si Jonas ng ikalawang ulit dahil sa kanyang galit, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman ?” Kahit na si Jonas ay nabigyan ng pansamantalang ginhawa dahil sa halaman, siya ay walang ginawa na ito’y itanim, patubuin o alagaan.

Ang sagot ni Jonas ay, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.”

May karapatan ba si Jonas? Wala, wala siyang karapatan ! Ang layon ng Diyos dito ay hindi ang pagtatanong kay Jonas kung mayroon ba siyang karapatan (o magandang dahilan) upang magalit, kundi wasto ba ang kanyang galit !

Oo, si Jonas ay sumunod sa Diyos sa pag punta sa Nineveh, nguni’t siya ay nagalit dahil ang Panginoon ay nahabag sa kanila. Tulad ng panganay na kapatid ng Alibughang anak na nagalit nang pinatay ang pinatabang guya at nagsalo-salo sa pagbabalik ng nagsisising anak, kaya ang galit ni Jonas ay hindi nagbigay ng kagalakan sa pagsisisi ng Nineveh at ang pagpapatawad ng Diyos. Si Jonas ay higit na may pag-aalala para sa kanyang sarili, sa halaman at sa kanyang kalagayan, kaysa sa buhay ng mga tao at sa kanilang mga alagang hayop. Ang Diyos ay nagkaloob ng isda at halaman upang iligtas at tulungan si Jonas, na ito’y kanyang pinasalamatan. Nguni’t nang ang Diyos ay kinaaawaan ang buong lungsod, Si Jonas ay nagalit ! Ang galit ni Jonas ay kasalanan sapagkat ito ay nagpakita na wala siyang pagmamahal sa mga tao sa Nineveh. Ang pagtanggi niya sa mga tao ay nagtulak sa kanya na lumihis sa salungat na daan, hindi sumunod sa Diyos, at walang paki-alam sa kamatayan ng mga libo-libong mga tao (kasama ang 120,000 mga bata) o ang panghabang kalagayan ng mga kaluluwa. Ang pag-aalala at pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat, walang pinipiling gulang, kasarian, lahi at pananalig: “Hindi nag- pabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako Niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lamang Niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw Niyang mapahamak ang sinuman” (2 Pedro 3:9).

“Sapagkat pantay pantay ang pagtingin ng Diyos sa tao” (Romans 2:11).

Sinasabi sa Efeso 4:26, “Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.” Oo, maaari kang magalit, nguni’t mayroong babala: Huwag magkasala ! Ibinigay sa atin ng Diyos ang kakayahan na magalit dahil tayo’y nilalang sa Kanyang imahen. Samantalang ang poot ng Diyos ay laging makatarungan at makatuwiran, tayo, samakatuwid ay kailangang maging maingat na ang ating galit ay may hangganan na nasasaad sa Colosas 3:17 : “At anuman ang ginagawa ninyo, sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus, at magpasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan Niya.” Sa pagpapatuloy ng Efeso 4:26, “At huwag ninyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo”, nangangahulugan na ang galit ay may hangganan. Ito ay dapat na mayroong maikling panahon. Sinasabi sa Kasulatan, na bagaman ang galit ay pinapayagan, tayo ay binabalaan,

“ Tandaan n’yo ito mga minamahal na kapatid : Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit. Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao, para maging matuwid sa paningin ng Diyos”( Santiago 1:19-20 ). Ang huling naitalang mga salita ni Jonas habang nasa loob ng tiyan ng isda: “Kayo po Panginoon ang nagliligtas” ( Jonas 2:9 ). Nakalulungkot, dahil sa galit ni Jonas, ay hindi niya nakita ang biyaya at katotohanan para sa mga taga-Nineveh.


Previous
Previous

Ang Taong Matuwid ay Mabubuhay Dahil sa Kanyang Pananampalata

Next
Next

“Panginoon, buksan po N’yo ang mata ng katulong ko para makakita siya.”