Paglilingkuran Ko Siya Nang May Kagalakan
By Shelby Carter
Tampa, Florida
“ Kayong mga tao sa buong mundo,
Sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon.
Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon ! Lumapit kayo sa Kanya na umaawit sa tuwa.
Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Diyos !
Siya ang lumikha sa atin at tayo’y sa Kanya. Tayo’y Kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na Kanyang inaalagaan sa Kanyang pastulan. Pumasok kayo sa Kanyang templo na may pasasalamat at pagpupuri. Magpasalamat kayo at magpuri sa Kanya. Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag ibig Niya’y walang hanggan, at ang katapatan Niya ay magpakailanman !
Ang Awit 100 ay isa sa mga awit na nagpapakita ng ating pangangailangan at mithiin na purihin ang Diyos. Sa mga Awit 8, 33, 66, at iba pa, sinabi sa atin na ang mundo ay nagpapakita ng hindi matitinag na pagmamahal ng Diyos sa atin. Tayo ang mga tatak ng Kanyang matiyagang pagmamahal para sa Kanyang mga tao, at dahil diyan, Siya ay karapatdapat ng lahat ng papuri - walang katapusan pagpupuri, ginawa nang may kagalakan sa puso. Kahit na ito’y limang talata lamang, ang Awit 100 ay puno ng maayos na Dichotomy ng lumang batas at ang darating na kaharian.
Ang presensya ng Panginoon ay hindi na bago sa mga Israelita. Siya ay kasama sa haligi ng ulap at apoy sa ilang at sa bundok na kasama si Moses. Nguni’t kailangan lagi na may tagapamagitan. Ang isang tao na pupunta sa Diyos para sa kapakanan ng mga tao. Nakikita natin nang malinaw sa mga batas na ginawa sa paglikha at pagsasagawa ng ToldangTipanan- at pagkatapos ang templo. Sa mga puna o komentaryo ni Derek Kidner sa mga Awit 73- 150, ang Awit 100:4, “ Ang kapayakan ng paanyaya ay maaaring itinago ang pagkamangha nito- hindi lamang ang labas ng bulwagan, nguni’t ang pinakabanal ay binuksan at ang lahat ay tatanggapin.” Upang maunawaan ang kahulugan ng paanyayang ito, kailangang unawain kung ano ang kahulugan ng pinakabanal na lugar o banal na lugar.
Makalipas ang paglisan ng mga Israelita sa Ehipto, ang Panginoon ay nagpakita kay Moses upang ibigay ang mga batas at kaugalian na dapat gawin upang sumunod sa Kanya. Ito ay kasunduan sa pagitan ng Diyos at Kanyang mga tao at kinakatawan ng Kahon ng Kasunduan. Ang kahon ay isang maliit na kahon na yari sa akasya na nababalutan ng purong ginto, at sa ibabaw ng kahon ay may takip na purong ginto at dalawang kerubin. Doon makikipagtagpo ang Diyos sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kahon upang ibigay ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel ( Exodus 25:17-22 ). Sinabi ng Panginoon ang Kanyang plano para sa Tabernakulo na magsisilbing tahanan ng Panginoon sa gitna ng Kanyang mga tao. Kahit na nakita ng mga tao ang haligi ng apoy at ulap, tanging ang punong pari ang makakapasok sa Pinakabanal na Lugar, na nagtataglay ng Kahon ng Kasunduan, at ang tunay na presensya ng Diyos sa Kanyang luklukan.
Minsan sa isang taon, ang punong pari ay nagdadala ng dalawang kambing at isang batang toro upang ihandog para sa kasalanan ng buong bansa ng Israel. Sa Leviticus16, ay sinasabi na ang punong pari ay susundin ang mahigpit na batas sa paglilinis, kailangang maligo siya at maghandog bago siya makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Pagkatapos ng paglilinis at paghahandog ng kambing at toro, siya ay magsusunog ng insenso upang mapuno ng usok ang Pinakabanal na Lugar, at magtatakip sa kanya sa presensya ng Panginoon, kung hindi ito gagawin, sinabi kay Moses, na ang punong pari ay mamamatay. Minsan sa isang taon, ang punong pari ay magiging tagapamagitan para sa mga Israelita ,upang maghandog para sa
kanila at makasama ang Panginoon. Ito ay hindi permanenteng pagbabago tulad ng naranasan sa ating bautismo, nguni’t isang pansamantalang paglilinis ng kanilang maruming puso. Ang mga tao ay umaasa sa punong pari upang pumunta sa Diyos para sa kanilang kapakanan sa maraming mga taon, walang pagkakataon na makaharap ang Diyos. Sa Hebreo 10:1, “ Ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taon taon.”
Ang mga Israelita ay magagawa ang lahat ng iniutos sa kanila, taon taon, at hindi naging perpekto sa lumang batas. Sa huling sandali ng buhay ni Jesus, ang buong lupain ay lumindol, at ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba, Ipinakita na ang bagong kaligtasan ay dumating na.
“ Kaya nga mga kapatid,malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. Sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang katawan, binuksan Niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Diyos,lumapit tayo sa Kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya.”
Ang Hebreo10:19-22, ang katuparan ng Awit 100. Tayo ay inaanyayahan sa kanyang bulwagan, sa pamamagitan ng dugo ni Kristo Jesus, na Siya ngayong tagapamagitan sa langit, tayo ay makakapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kailangan nating lumapit sa Panginoon sapagkat tayo ay nakatitiyak ng Kanyang tunay na pagmamahal at katapatan sa atin. Walang mas mabuting dahilan upang sumigaw ng papuri sa Kanya. Ang mga salitang ginamit sa Awit 100, ang sumigaw nang may kagalakan ay nangangahulugan din ng lubos na kasiyahan(Kidner 389). Itoay tila likas na tugon sa maawain at hindi karapatdapat na handog ng walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ng bautismo na ipinagkaloob sa atin, nguni’t tayo ay nagrereklamo at gumagawa ng dahilan sa mga pagkakataon na pumunta sa Kanya, umawit ng papuri at maglingkod sa Kanya. Hindi ito mahirap na gawain kung ihahambing sa mahirap na paraan na ginagawa nag mga Israelita upang maghandog sa Panginoon, at malimit tayo ay kumikilos na para bang napakabigat ng hinihingi sa atin. Ipinapalagay natin ang kakayahan na makaharap ang Diyos nang walang paggalang na sa akala natin ay karapatdapat tayo sa panahon ng Diyos.
Ang Awit 100 ay isang malaking paalala sa atin na tayo ang may kailangan sa Diyos. Ang ating pakikipag ugnayan ay nangangailangan ng haligi na tunay na makilala ang Diyos at alamin na tayo ay Kanya. Sa Isaiah 43:7, sinasabi na, “ Nilikha Ko sila para sa Aking karangalan.” Si Satanas ay ang masamang pinuno na nagsasabi na ang mundo ay may pagkukulang sa atin at kailangan pa natin ng mas marami. Nguni’t ang totoo tayo ay nilikha upang purihin ang Panginoon.
“ Ngunit dumating na si Kristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa Dati. Pumasok Siya sa mas dakila at mas ganap na tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. Minsan lang pumasok si Kristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya ang dala Niya kundi ang sarili Niyang Dugo. At sa pamamagitan ng Kanyang dugo, tinubos Niya tayo sa Mga kasalanan natin magpakailanman” (Hebreo 9:11-12).
Anong laking pagpapala ang ipinagkaloob sa atin, ang biyaya na karapatdapat na bigyan ng pasasalamat, ang Manunubos na karapatdapat na purihin. Kailangan kong alalahanin na pumunta sa Kanya nang may lubos na katuwaan, nararamdaman ang “ligaya ng kalayaan,” tulad ng sinabi ni Kidner. Ang Panginoon ay tunay na mabuti, at Siya’y paglilinkuran ko nang may kagalakan.